Dahil sa mataas na ratings, patuloy pa ring mapapanood ang tinututukang Kapuso Afternoon Drama series na "Ika-6 Na Utos," na nagsimulang umere sa telebisyon noong nakaraang Disyembre.
Bilang pasasalamat, nagsagawa ng isang Thanksgiving mass ang cast at crew ng serye na ginanap sa San Juan nitong Martes.
"Nagulat kami kasi nga lumampas na kami dun sa rating na ikinatutuwa namin. Nagpapasalamat po kami," pahayag ng batikang aktor na si Gabby Concepcion na gumanap bilang Rome.
Karaniwang tumatagal ng tatlong buwan ang bawat season ng isang serye.
PANGAMBA ni ANGELIKA
Ikinatuwa rin ni Angelika dela Cruz, gumanap bilang Geneva, na nahigitan ng serye ang nauna nang naitalang pinakamataas na ratings.
"Very thankful po ang lahat ng bumubuo ng 'Ika-6 Na Utos' kasi po lalo pa pong tumaas ang ratings. Tapos ngayon po, nagkaroon kami ng ratings na hindi pa nakakamit ng 'Ika-6 Na Utos,' so mas lalong pumapalo, kaya po maraming salamat po,"
Pag-amin ni Angelika, nagkaroon siya ng pangamba at pag-aalinlangan noong una kung tatanggapin ang proyekto.
"Masayang-masaya po siyempre kasi nung una, very hesitant po ako na pumasok ako sa 'Ika-6 Na Utos' kasi the show is established na eh. Parang nakakatakot pong pumasok sa isang show na established na 'yung plot, established na lahat ng characters."
"Ang worry ko, anong character kaya ang pwede kong gawin para mag-fit in du'n sa story? Na makakatulong pa ba 'yung character ko, tsaka natatakot ako, siyempre ang taas ng show, baka biglang bumaba, sabihin jinx ako. Haha!" pabiro niyang sabi.
"Masayang-masaya po ako na ngayon, lalo pang bumubuti 'yung story, lalo pang tumaas ang rating. Maraming maraming salamat po," pahayag pa ni Angelika.
Ikinatuwa rin ni Marco Alcaraz, gumaganap na kaibigan ng karakter ni Gabby, na makasama niya ang mga magagaling na aktor at aktres sa serye.
"Blessing po na kasama ko sina kuya Gabby tsaka si Sunshine na tumataas ang ratings, tsaka working with these stars na tinitingala po ever since I was young, talagang blessing po na nakasama ko sila. I'm learning a lot from them. Happy ako na part to be part of this group. Marami kaming natututunan sa isa't-isa," pahayag niya.
Sa kabila ng mga matitinding fight scenes, ipinaliwanag naman ni Kapuso actress Ryza Cenon, gumaganap bilang malupit na si Georgia, na walang nasasaktan sa ginagawa nilang fight scenes.
"Basta ang importante kasi sa amin, walang masasaktan, lahat iyon, ine-explain naman sa'min," aniya. "Kami, ginagawa talaga namin. Kailangan eh. Mayroong times na hindi talaga maiiwasan. Pero after that nagso-sorry kami sa isa't isa."
MARAMI PANG PASABOG
Inihayag ng cast na marami pang dapat abangan sa extended series.
"Marami pa pong pasabog, marami pa pong aabangan sa 'Ika-6 Na Utos.' Talagang aabangan niyo po ang mga nakakaloka naming mga fight scenes," ani Angelika. "Wait ka lang, there's more to come," mensahe ni Geneva kay Emma, na ginagampanan ni Sunshine Dizon.
"Madami, lalo na ngayon na magkasama na sila ng kapatid niya na si Geneva. Marami pa silang mga plano kay Emma. Kaya dapat nilang abangan," saad ni Ryza.
Sa episode nitong Martes, nagsimula nang magplano ang magkapatid na Geneva at Georgia kontra kay Emma.
-- FRJ, GMA News
