Bagaman nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan, sinabi ng aktres na si Judy Ann Santos na maayos siyang nakapagpaalam sa kaniyang dating manager na si Alfie Lorenzo bago pumanaw ang huli.
Kabilang si Judy Ann sa mga nag-asikaso sa burol ng talent manager at showbiz columnist na kasalukuyang nakalagak sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City.
"Hangga't maaari ayoko sanang maging malungkot kasi we should celebrate his life. Magkakaroon ng mass sa gabi, 8 pm and then, Thursday morning ng 9 am, magkakaroon pa ng last mass dito sa chapel before siya dalhin sa Carmelites Sisters for an hour of blessing kasi devotee siya doon. So ang request ko lang is maidaan siya doon," pahayag ni Juday sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali' nitong Miyerkules.
Si Juday ay isa sa mga naging talent ni Alfie at nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan nang umalis sa kaniyang pamamahala ang aktres.
Pero ayon kay Juday, nag-sorry siya sa dating manager bago pumanaw.
"Maayos akong nakapagpaalam sa kaniya. Maayos akong nakapag-sorry. Kaya siguro rin, wala akong masyadong hinaing, kasi alam ko sa sarili kong at peace akong nagpaalam sa kanya at nagpasalamat ako sa kanya. I was able to say everything that I wanted to tell him," ani Juday.
Dumating din sa burol ang aktres na si Sunshine Cruz, na nagpapasalamat sa pagtulong ni Alfie sa kanyang career.
"Wala naman akong ibang masasabi kundi maraming salamat sa kanya. Kasi siya 'yung talagang naglakas ng loob at nakakita sa akin when I was 15 years old. Siya 'yung nagtiwala sa akin, inalagaan niya ako. At lagi niya akong pinagtatanggol," anang aktres.
Sa pamamagitan ng social media, nagpaabot din ng pakikiramay ang iba pang artista katulad nina Ai-Ai delas Alas, Pia Guanio at Assunta De Rossi-Ledesma.
Pumanaw si Alfie sa edad na 78 matapos atakihin sa puso. -- FRJ, GMA News
