Labis na ikinatuwa ng cast ng Kapuso hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos" ang pag-amin ng Queen of All Media na si Kris Aquino na sunod-sunod niyang pinanood ang ilang episode ng serye.
Sa isang ulat nitong nakaraang linggo, sinabi ni Kris na 33 episode ang sunod-sunod niyang pinanood bago pumunta sa isang event.
Sa isa naman niyang Instagram post, ipinakita ni Kris ang ginagawa niyang pag-download ng ilang episode ng serye.
"I'm happy that she is watching. Thank you for the support," saad ni Gabby Concepcion sa isinagawang Thanksgiving mass nitong Martes dahil sa patuloy na mataas na ratings ng "Ika-6 Na Utos."
Ginagampanan ni Gabby ang karakter ni Rome, ang mister ni Emma [Sunshine Dizon] na natukso at naging kalaguyo ni Georgia [Ryza Cenon].
"Ang 'Ika-6 Na Utos' kahit wala ako, panonoorin ko eh. It's interesting. A lot of my friends are in the same situation. Pero ito of course, nag-evolve na. Iba siya kasi nawala na 'yung action movies. So ito may action ito. Although marami tayong naririnig na similar plots pero iba ang treatment nito," paliwanag ng aktor.
"What's interesting about this is, I think she will find more interesting the sequences that are going to be shot. In fact, 'yung mga events that haven't happened yet," dagdag niya.
Nagpasalamat din kay Kris si Angelika dela Cruz, na gumaganap bilang Geneva, kapatid ni Georgia.
"Unang-una love ko si ate Kris, alam niya 'yon. Kaya nakakatuwa na pinapanood niya 'yon. Siyempre, 'di ba, na-a-appreciate ng mga tao 'yung pinaghihirapan namin. Laging masarap 'yung pakiramdam. Tsaka ang sosyal niya pero pinapanood niya kami," natatawang sabi ni Angelika.
Ayon naman kay Ryza, kaagad siyang nagpasalamat kay Kris sa Instagram post nang malaman niyang sinusubaybayan din nito ang kanilang serye.
"Sobrang nakakatuwa. Nakita ko nga 'yon sa Instagram na pinost niya. Nag-thank you ako sa kanya, nag-comment ako, 'Thank you po, Ms. Kris.' Kasi nakakatuwa na kahit si Ms Kris Aquino, naho-hook na rin sa Ika-6 na Utos," pahayag niya.
Pagpapatuloy naman ni Ryza, hindi maiwasan na may iba pa ring hindi nagugustuhan ang palabas dahil sa mga kontrobersyal na fight scenes. Pero masaya siya na nagbunga ang paghihirap ng cast dahil tinatangkilik pa rin ito ng fans.
"Hindi mo naman lahat mapi-please eh. Meron talagang iba na hindi type 'yung show, so okay lang 'yun. It's normal naman. Naiintindihan ko naman."
"So parang, meron pa ring pinagbunga lahat ng ginawa naming mga fight scene. Masaya pa rin kami na kahit merong iba na ayaw na 'yung nangyayari, mas lamang pa rin 'yung may gusto sa show," paliwanag niya. -- FRJ/KVD, GMA News
