Hindi makakalimutan ni Judy Ann Santos ang mga iniwang payo at magagandang alaala ng pumanaw na talent manager na si Alfie Lorenzo.

Inatake sa puso at pumanaw sa ospital ang 78-anyos na beteranong manager at showbiz columnist nitong Martes

"Kung may isang bagay man siyang alam kong gusto niya, yung 'wag siyang mahirapan kung mamamatay man siya. At mamatay siya sa isang lugar na gusto niya, which is namatay siya sa casino. Duon siya masaya eh," saad ni Juday sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Miyerkules.

Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa nang umalis si Juday sa pangangalaga ni Alfie.

Pero ayon sa aktres, maaayos siyang nakapagpaalam at nakapag-sorry sa itinuturing niyang tatay-tatayan sa showbiz.

"Wala akong hinaing kasi alam ko sa sarili kong at peace akong nagpaalam sa kanya at nagpasalamat ako sa kanya. I was able to say everything."

"I forgive you and I forgive myself and I'm sorry again. Though nasabi ko naman 'yun sa kanya in person kaya siguro wala akong masyadong maramdaman na masakit kasi nasabi ko naman lahat," anang aktres.

Kilala si Alfie bilang prangka, kritiko, mahigpit pero magaling na manager.

Bukod dito, kilala rin siya bilang isang maaasahang kaibigan at madasalin.

"Itinuro sa 'kin ni tito Alfie na kung mayroon man akong hindi dapat kakalimutan, 'yon yung pagpapasalamat at pagdadasal hindi lang tuwing may kailangan," saad pa ni Juday.

Dumalo rin sa burol ang kapatid ni Juday na si Jeffrey at si Sunshine Cruz na dati ring talent ng batikang manager.

"Siya yung nagtiwala sa akin, inalagaan niya ako. Lagi niya akong pinagtatanggol everytime na mayroong mga bagay o nasusulat or sinasabi sa akin," ayon kay Sunshine.

Pagkatapos idaan sa Carmelite Sisters para sa huling blessing, dadalhin sa Huwebes ang mga labi ni Alfie sa Pampanga. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News