Bumuhos ang pakikiramay ng mga kasamahan sa showbiz ni singer, actor at director na si Randy Santiago sa pumanaw ng anak niyang si Ryan Leonardo.  Si Randy, aminadong hirap na tanggapin ang maagang paglisan ng 24-anyos na anak.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nagpapakatatag ang pamilya ni Randy sa pagpanaw ni Ryan, na na-diagnose na may rare form ng brain disease noong 21-anyos ito.

At sa panahon na nilalaban ni Ryan ang karamdaman, may pagkakataon daw na sila pa ang iniisip ng anak.

"Hindi ako nagsasawang ipaglaban ka... Sabi niya, 'Papa, ang laki-laki na ng ginagastos mo.' Sabi ko, 'Huwag mong intindihin 'yung gastos ko. Magpe-pray tayo sa Panginoon na magkaroon na ako ng trabaho para mapaglaban kita,'" sabi ni Randy.

Hindi itinago ni Randy ang nararamdaman na hirap pa rin siyang tanggapin ang pagkawala ni Ryan.

At ang pinakamahirap daw na bahagi nito ay ang pagkatapos ng burol ng anak para ihanap ng paglalagayan ang mga labi nito.

"Masakit sa'yo na i-prepare mo yung sarili mo. Kahit 'yung kolumbaryong paglalagyan niya, ayoko namang maghanap... Sabi ko ilalagay ko muna kasama nina papa saka ni mama. Pero for me na maghanap ng paglalagyan niya, hindi ko kaya," umiiyak niyang pag-amin.

Patuloy naman ang pagdating ng mga celebrity sa burol para makiramay kina Randy. Kabilang sa mga namataan ay sina Gardo Verzosa, Rowell Santiago, Agot Isidro, Toni Rose Gayda, Jessa Zaragoza at Sharon Cuneta. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News