Bukod sa magandang istorya, dapat din umanong abangan ang mga magagandang tanawin sa Korea kung saan nag-shoot ang bagong Kapuso primetime series na "My Korean Jagiya," na mapapanood na simula sa Lunes, August 21.
Sa Chika Minute report ni Iya Villania sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tiyak na magbabalik sa alaala ng mga manonood na mahilig sa Korean drama ang mga paborito nilang serye kapag nakita ang mga lugar na kinunan ng ilang eksena sa "My Korean Jagiya."
Pagmamalaki ni direk Mark Reyes, may isang exclusive location sa Korea na ginawa ang isang Korean drama na tanging GMA pa lang ang pinayagan na makapag-shoot din.
"We were able to shoot in exclusive locations na tanging gma lang ang nakatapak doon at nakapag-shoot," ayon kay direk Mark patungkol sa lugar kung saan nag-shoot ang "Jewel In The Palace."
Saad pa ng direktor, "My favorite part is to be able to shoot in the set of MBC dramas 'Jewel In The Palace.' I mean bragging rights 'yon na GMA lang ang nakapag-shoot."
Kabilang din sa pinuntahan para sa first Filipino-Korean series na "My Korean Jagiya" ay ang Provence village na tampok sa lugar ang mga French style building, Gangnam District, at Sam-soon stairs sa Namsan Tower, na ipinangalan sa K-drama na "My Name is Kimsam Soon."
Dahil patok ang K-drama, mayroon K-drama tour para sa mga turista sa Korea, lalo na ang magkasintahan, na Nami Island, na isang romantic place dahil dito ginawa "Endless Love, Winter Sonata."
Ang "My Korean Jagiya" ay pagbibidahan nina Heart Evangelista at Korean actor Alexander Lee. -- FRJ, GMA News
