(IMAGE Instagram @barbaraforteza)

Hindi direktang sinabi ni Jak Roberto kung sila na ni Barbie Forteza pero aminado ang Kapuso hunk na kinilig siya sa Instagram post ng Kapuso actress tungkol sa wish ng dalaga na magtagal sana sina "Monay at Pandesal" nang magpalipad ito ng sky lantern sa Amerika.

Pinaniniwalaan na ang tinutukoy ni Barbie sa naturang wish na si “Pandesal” ay si Jak, na kilala bilang “Pambansang Abs;” habang “Monay” naman ang deskripsiyon ni Barbie sa sarili dahil marahil sa bilugan nitong mukha.

Magkarelasyon na nga ba silang dalawa?

Paiwas na sagot ni Jak: “Ang awkward kasi kung magtatanong tungkol sa panliligaw.

“Ayoko kasing magkaroon ng biglang ma-awkward.

“Sayang naman na bigla kang nagsisi, 'Sayang, hindi ko na lang dapat inano or sana na-maintain ko na lang na ganito.'

“Mas maganda kasi yung nangyari sa amin na kung ano lang yung lagi kaming masaya, wala kaming pressure na... wala kaming sinusunod na rules, or wala kaming demands sa isa’t isa.

“Sana, kung ako si Pandesal at siya si Monay, sana magtagal yung ganito lang kasaya.”

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jak sa PEP Exclusive shoot, na ginanap sa Summit Media office ngayong Miyerkules, Agosto 23.

Ang tanging kinumpirma ni Jak ay lumalabas sila ni Barbie at nagbigay siya ng red roses noong 20th birthday ng dalaga.

Totoong kinuntsaba raw niya ang ina at kapatid ni Barbie upang alamin ang pinakamagandang maireregalo niya para sa Kapuso actress.

Ayon kay Jak, “Halos lahat ng friends niya sa showbiz, nagbigay na.

“So, ako naman, parang ka-close ko rin naman family niya, nakakahiya kung wala akong ibibigay.

“So, tinanong ko yung mommy niya, tinanong ko rin yung ate niya.

“Hanggang sa nasabi sa akin na mahilig siya sa ganito, sa ganyan. Ako na nag-isip kung ano dun.

“So, ang napili ko, yung bulaklak.”

Ang "Sunday PinaSaya" co-host ni Barbie na si Marian Rivera ang pinagbilhan ni Jak ng regalo nito.

Kuwento ng binata, “Yung rose na yun, galing kay Ate Yan-Yan, sa shop niya sa Flora Vida.

“Nagtanong ako sa kanya, sinuggest niya [Ate Yan-Yan] yun. Kasi alam kong matagal na niya [Barbie] gusto yung bulaklak na yun.”

Ayon kay Jak, hindi imposibleng mahulog ang loob niya kay Barbie.

Lalo na’t nakita raw ng binata kung gaano ito kagiliw nang magkatrabaho sila sa dating Kapuso primetime series na "Meant To Be." -- For the full story, visit PEP.ph