Nagulat si Kapuso star Barbie Forteza sa inihayag ni Ken Chan na kahit hindi pa ito artista noon, pangarap na ng aktor na makasama siya sa pelikula.

Sa Starbites report ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ni Ken na dream come true para sa kaniya na makasama si Barbie sa pelikulang "This Time I'll Be Sweeter."

"Pangarap kong magkaroon ng movie, gumagawa ako ng music video sa isip ko, yung parang movie ng trailer. Alam mo kung sino nai-imagine kong ka-partner ko? si Barbie Forteza. Hindi pa ako artista nu'n," pagtatapat ng aktor

Sa bago nilang movie, sinabi ni Barbie na mas nag-mature raw sila ni Ken, dahil na rin sa tulong ng direktor na si Joel Lamangan.

"Ang difference naman dito, mas pina-mature kami ni Ken. Kaya nagkaroon ng transition from college to career year. Yun yung goal din talaga namin na maiba yung look, yung atake namin from 'Meant to Be' para hindi ma-compare, na in all fairness, nadala rin naman ng material ng pelikula," anang aktres.

Makakasama nina Barbie at Ken sa movie sina Ara Mina, Rey 'PJ' Abellana, Yayo Aguila, Neil Ryan Sese at Kim Rodriguez, kung saan sasabak daw ang dalawa sa matinding drama.

"Magaling magdisiplina ng artista si Direk Joel," sabi ni Barbie.

"Kaming mga artista, sabi nga namin ni Barbie, may kasabihan na kapag dumaan ka kay Direk Joel Lamangan, mararamdaman mo talaga yung pagiging kumpleto mo bilang isang aktor," ani Ken.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News