Sa kaniyang pagkakasama sa cast ng horror movie na "Spirit of the Glass 2: The Haunted," naikuwento ng Kapuso actor na si Benjamin Alves ang ilang karanasan na pinaniniwalaan niyang "paranormal."

Dahil nasa abroad ang pamilya, mag-isa lang sa bansa na naninirahan si Benjamin at kung minsan ay umuuwi umano siya sa kanilang lumang bahay sa Cavite.

"Kapag umuuwi ako sa bahay namin sa Cavite, the last time someone lived there was 20 years ago, and it's old, pa-dilapidated na po 'yon because wala pong nakatira eh. Ako lang po kasi sa family namin na nandito eh so I'm the one who has to go there and magbukas ng ilaw," saad niya nang makapanayam ng showbiz press sa presscon nitong Huwebes.

"Usually, kinakatakutan 'pag ganun, may ahas or something, pero ako yung kinakatakutan ko yung... kasi may mga aso po kami tumatahol kung saan-saan eh, they are looking into the darkness. I don't know what they see basta there's always a heavy feeling," pagpapatuloy ng aktor.

"You have to believe in spirits. You have to believe in ghosts. You just have to hope that most of them are good," dagdag niya.

Nagpatay-malisya na lang daw si Benjamin kapag may ganung nararamdaman.

"Ako kasi, I'm sure namulto na ako, during the time that it was happening, dini-deny ko na lang siya. You say na parang nanaginip ka lang or something, but it probably did happen, you can really feel it eh, it's heavy, or may nakita ka. I live alone," ayon pa sa aktor.

May kakaiba rin daw siyang karanasan habang nagta-taping noon sa isang teleserye na kinabilangan niya.

"Minsan, when we were shooting, yung ilaw ko, for some reason sa hotel, keeps blinking to the point pinalitan ko na yung bulb. 'Pag may tao, okay lang siya. 'Pag mag-isa ako, nagbi-blink siya," pagbahagi ni Benjamin.

Patuloy niya, "I know that it's true... sinasabi ng production, 'Bakit parang may nag-o-off ng ilaw mo?' Sabi ko, 'Okay, totoo pala sa aking nangyayari sa akin.'"

Duda ang aktor kung electrical o lalagyan ng bumbilya ang problema dahil nangyayari rin umano ang naturang insidente sa kaniyang condo.

"As long as it doesn't hurt me, okay lang yun. You have to believe in heaven and hell then you have to believe in spirits, you have to believe in ghosts," pahayag niya.

Nang tanungin kung ano ang isasagot niya sakaling humingi sa kaniya ng tulong ang isang kaluluwa, tugon ni Benjamin, "I will not say yes kung kailangan nila ng tulong. Yun yung pagkakamali namin sa movie. 'Pag humingi sila ng tulong, just ignore."

Karakter ni Jag

Gaganap si Benjamin bilang si Jag sa "Spirit of the Glass 2", kung saan katambal niya si Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina.

"Siya [Jag] yung boyfriend ng character ni Maxine (Medina), si Lisette. Para kay Jag, yung pagiging up and coming actress at 'It girl' ni Lisette is nababaliw na siya sa ganun, pero masayahin. Hindi siya naniniwala sa ghosts," kuwento ng aktor.

Sa naturang movie, makakausap daw ng karakter ni Benjamin at kaniyang mga kaibigan ang isang espiritu sa pamamagitan ng spirit of the glass, at aalamin nila kung kailangan ba itong tulungan.

"Sa buong movie, each of us, kami, minumulto kami at throughout the movie, we will try to discover kung mabait ba yung espiritu na nakausap namin. Ito ba'y kailangan naming tulungan or kami ba yung may kailangan ng tulong," aniya.

Masaya raw na makatrabaho ang kaniyang mga kasamahan sa set na kinabibilangan nina Janine Gutierrez, Ash Ortega at Enrico Cuenca.

"So much fun. That's really the biggest challenge po sa aming anim, is to actually be serious sa set. Especially towards the end na may mga lumilipad na gamit, may multo na, we enjoyed it way too much. A little too much na sometimes parang sobra kaming masayang-masaya sa set na natatakot na pala kami," kuwento niya. -- FRJ, GMA News