Nakulong sa presinto matapos na masangkot na naman sa gulo ang aktor na si Baron Geisler sa isang restobar sa Quezon City nitong Lunes bago maghatinggabi.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing panay umano ang sigaw at mura ng aktor kahit nasa himpilan na ng pulisya.
Dinakip si Baron nang bigla na lang daw magwala habang umiinom sa isang restobar sa Tomas Morato sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Police Superintendent Christian dela Druz ng QCPD Station 10, pinagmumura umano ng aktor at itinulak ang mga guwardya.
Paliwanag naman ni Baron, nagtungo siya sa restobar kasama ang dalawang kaibigan mula sa trabaho.
Nang umalis na umano ang kaniyang mga kasamahan at naiwasan siya, nakipag-usap siya nang maayos sa isang kostumer.
Nais lang daw niyang magsaya at wala raw naman siyang sinaktan.
Gayunman, napag-alaman sa imbestigasiyon na may record na si Baron ng panggugulo sa establisimyento kaya hindi siya pinapasok.
Pero sa hotel entrance umano dumaan ang aktor kaya nakapasok sa restobar at naka-order ng inumin.
Sinabi ni Baron na nagalit siya nang lapitan siya ng security guard na may kasama pang mga pulis.
Nahaharap ang aktor sa reklamong unjust vexation at alarm and scandal.
Humingi naman ng paumanhin si Baron sa kaniyang pamilya sa kinasangkutang bagong gulo pero iginiit niya na walang siyang kasalanan.
Sinabi ng aktor na kilala siya na kapag siya ang may kasalanan ay nagtatago siya sa camera pero sa pagkakataong ito ay nagpaunlak siya ng panayam sa harap ng camera.
Iginiit ni Baron na nagalit lang siya dahil hindi umano nasunod ang tamang "protocol." -- FRJ, GMA News
