Mariing itinanggi ng aktor na si Cogie Domingo na kaniya ang mga drug paraphernalia na natagpuan sa kaniyang sasakyan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes sa BF Homes Parañaque. Depensa ng aktor, na-set up lang daw siya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, iginiit ni Cogie na hindi siya gumagamit at bumibili ng iligal na droga.
"Actually, hindi naman po talaga ako nagbebenta at hindi rin po ako gumagamit, hindi rin po ako bumibili. Hindi ko po alam kung ano po 'yung ebidensiya laban po sa akin," paliwanag niya.
"Sa totoo niyan, kumakain lang po kami ng dinner at nagulat na lang po ako na nagkaroon po ng mga hulihan. I believe na set-up lang po ako kaya ganu'n," patuloy ng aktor.
Sinuportahan naman si Cogie ng kaniyang amang si Attorney Rod Domingo.
"Sumusuporta po ako sa aking anak. Alam ko na hindi nagdodroga, hindi nagbebenta, he's not in any way related to drugs," giit ng ama.
Nadakip si Cogie ng mga tauhan ng PDEA Region 4A nitong Biyernes ng madaling araw. May minamanmanan umanong target ang mga operatiba nang magulat sila na ang aktor ang nakasakay sa isang sasakyan.
Kasama ni Cogie ang asawang si Ria Sacasas sa kaniyang luxury vehicle, pero hindi kasama sa dinakip at kinasuhan ang huli.
Natagpuan sa kanilang sasakyan ang isang hardcase na may lamang mga drug paraphernalia, tulad ng glass pipe, glass cylinder na may hinihinalang tirang drug residue, at ilang gramo ng hinihinalang shabu.
Kinunan ng fingerprints at mugshot at isinailalim sa medical checkup si Cogie matapos arestuhin.
Arestado rin ang mga kasamahan niyang sina Almira Bautista, alyas Mira at Francisco Lim, na sakay ng ikalawang sasakyan na kasama nina Cogie.
Ilang piraso ng sachet ng hinihinalang shabu naman ang nakuha sa sasakyan nina Bautista at Lim.
Sinabi ng PDEA na si Lim ang tunay na target ng operasyon nang may nagtimbreng supplier daw siya ng iligal na droga, at nagkataon lang na nasa meet-up place din si Cogie.
Kanilang suspetsa, kukuha rin ang aktor ng iligal na droga kay Lim.
"Directly recovered sa loob ng sasakyan ni Mr. Domingo. If you will notice there are not just paraphernalia that you see in ordinary drug dens or in the streets. Signature paraphernalia ito. The category of high-value targets, kasama ang members of the entertainment industry," sabi ni Derrick Carreon, spokesperson ng PDEA.
Mariin ding itinanggi ng iba pang mga naaresto na dawit sila sa ilegal na droga.
Kinasuhan na ang mga nahuli ng paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act.
Patuloy naman ang PDEA sa kanilang follow-up operation para sa karagdagang impormasyong nakuha mula sa mga suspek. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
