Masayang ibinahagi ni Comedy Queen AiAi delas Alas na mayroon siyang ginagawang single ngayon, at inaasahang gagawa pa siya ng ibang kanta matapos pumirma ng kontrata sa GMA Records nitong Miyerkoles.

May collaboration si AiAi kasama ang grupong Ex Battalion, kung saan may bahaging rap sa kaniyang pagkanta.

 


Kasamang pumirma ni AiAi ang mga official ng GMA Records, kabilang sina A&R Manager Kedy Sanchez at GMA Records Managing Director Rene Salta.

Ikinuwento ni AiAi kung paano niya napili ang tema ng kaniyang bagong single.

"'Yung single ko kasi is kumbaga, ang pag-ibig, walang pinipiling ano 'yan... walang gender, walang age, walang status sa buhay. Basta 'pag tayo umibig, binibigay natin 'yan. 'Yun naman ang essence ng pagmamahalan," saad niya.

Bahagi raw ito ng ginagawa ni AiAi para mag-reach out sa mga millennial.

"It's a collaboration with the Ex Battalion. Kasi sabi ko, ganu'n talaga ang buhay. Nag-iiba tayo ng pacing. Kumbaga, gusto kong makilala rin ako ng mga millennial, and at the same time 'yung Ex Battalion, gusto ko rin naman na makilala sila ng fans ko. Para baligtad, para makikilala ako ng fans nila, makilala naman ng fans ko sila," paliwanag pa niya.

"Kaya nag-collaborate para millenial naman. Para makilala ako ng mga bata," dagdag pa ng comedienne.

Matagal na raw pangarap ni AiAi na magkaroon din siya ng isang hit na kanta.

"Pero kasi, 'yan ang dream ko eh, magkaroon ako ng isang blockbuster hit na single or kanta. Sabi nga nila, try and try until you succeed so malay mo, kahit mag-gold man lang 'yung single ko, okay na ako," pag-amin ni AiAi.

Lalagay sa tahimik

Kinumusta si AiAi sa paghahanda ng nalalapit na wedding sa kaniyang fiancé na si Gerald Sibayan.

"Okay naman, malapit na. Ninenerbiyos ako pero okay naman 'to," saad niya.

Nang tanungin kung bakit siya kinakabahan, "Wala, ganu'n naman daw talaga sabi ni Father. Kasi sabi ko 'Father bakit ganu'n, parati akong nananaginip?' Sabi niya, 'Ganyan talaga 'pag mga ikakasal. Parating may mga kaba, may mga agam-agam."

Pero paglilinaw din ni AiAi, excitement pa rin ang nangingibabaw sa kaniya at masaya siyang ikakasal na siya.

"Excitement and finally, totoong lalagay na ako sa tahimik," aniya.-- FRJ, GMA News