Sa pagdiriwang ngayon ng award-winning GMA drama anthology na "Magpakailanman" ng ika-limang anibersaryo, sinabing bukod sa pagbibigay ng inspirasyon, layon din ng programa na mas lalo pang maging "informative" at "interesting" ang itatampok na mga totoong kuwento ng mga totoong tao.
"Gusto namin ng mga kuwentong lalong mag-i-inspire sa mga televiewer. Hindi lang 'yung nagagandahan sila sa istorya, gusto namin na kapupulutan talaga ng aral, kapupulutan nila ng impormasyon na magagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay," sabi ni multi-awarded news anchor at host Mel Tiangco sa ginanap na press conference para sa 5th anniversary ng programa nitong Martes sa GMA Network.
"We wanted stories na talagang inspiring on every scene. We want stories na talagang malinaw na malinaw ang inspirasyon na ibibigay sa mga televiewers namin," dagdag pa ng "24 Oras" anchor.
Ngayong Nobyembre, mga inspiring stories ang itatampok sa "Magpakailanman" bilang bahagi ng month-long special. Unang lumabas ang "BSF: Best Sisters Forever," na ginampanan nina Sunshine Dizon, Diana Zubiri, Sheena Halili at Sanya Lopez.
"Sa [BSF: Best Sisters Forever], may apat na magkakapatid, 'yung isa ibinigay 'yung kaniyang kidney so this is love of family. Mabigat 'yung dugo. Sabi nga nila, 'Blood is thicker than water,'" paliwanag ni tita Mel.
Nitong Nobyembre 11, ipinalabas naman ang pag-iibigan ng isang Amerikanong sailor at kaniyang katulong na pinamagatang, "My heart Belongs to You: The Bud and Gloria Brown story."
Sa darating na Nobyembre 18, ipapalabas naman ang "Isang Bata, Dalawang Ina," na kuwento ng isang bata na nawalay sa kaniyang ina, at napunta sa pangangalaga ng isang babae.
Inalagaan ng babae ang bata at itinuring niya na rin itong parang anak. Hanggang sa dumating ang araw na magkita ang dalawang "ina."
"Here we see na ang pagmamahal mo sa anak mo, talagang hindi mo papayagan na mawala sa 'yo ang anak mo, at you're willing to share your child because of the love for the child," ayon kay Tita Mel.
Tungkol naman sa isang sundalong nakikipaglaban para sa bayan ang "Kuwentong Marawi sa Mata ng Isang Sundalo," na ipalalabas sa Nobyembre 25.
"'Yung sundalo sa Marawi. This guy continued to fight despite ng mga tama niya ng bala. So nandu'n 'yung pagmamahal sa bansa mo. Andudoon ka na eh, 'yung pagkakataon na ipagtanggol mo 'yung mga kababayan mo, ipagtanggol mo 'yung bansa mo. 'Yung ganu'ng klaseng pagmamahal, ifi-feature namin 'yan," lahad ni tita Mel.
Bilang host ng "Magpakailanman" na isang programang drama, ipinaliwanag ni Tita Mel na wala raw itong pagkakaiba sa kaniyang trabaho bilang newscaster sa "24 Oras" na mapapanood limang beses sa isang linggo.
"In the news, taga-kuwento rin naman ako 'di ba? Taga-kuwento rin ako eh. At walang drama, although of course, ang napapanood niyo sa TV, 'pag news, 'yung totoong drama rin, 'yung mga on the spot na nangyayaring ganyan," paliwanag niya.
"Eh dito (Magpakailanman) nag-i-interview din ako. Mga totoong tao rin naman ang ini-interview ko. Interesado ako sa nangyayari sa buhay ng mga kababayan ko. It's the same here," dagdag niya.
Sinabi rin niya na gusto niya na madinig ang kuwento ng mga taong itinatampok nila sa programa.
"Kasi hindi naman ako nagiging umaarte diyan eh. Everything comes from the heart. Everything comes from what I love inside of me in relation to the story," aniya.
Para kay Tita Mel, ang sikreto ng tagumpay ng kaniyang programa ay ang "totoong kuwento ng mga totoong tao."
"Hindi naman sa paiyak, pero gusto namin na madama talaga ng televiewers 'yung kuwento... Totoong kuwento ng mga totoong tao," kaniyang sabi.-- FRJ, GMA News

