Katuparan ng pangarap para sa Phenomenal Star na si Maine Mendoza ang rumampa sa isang fashion show kamakailan. Inihayag din niya na may isa pa siyang pangarap na nais niyang matupad.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni Maine kung ano ang nasa isip niyang habang naglalakad sa catwalk  ng "Under The Stars" fashion show nitong weekend.

"Damang-dama ko lang ang moment na 'yun, ang pagrampa. So 'yung mga sinasabi nga nila, 'yung applause, 'yung sigawan, hindi ko siya maalala kasi in-enjoy ko lang ang moment na 'yon," sabi ni Maine.

Mula telebisyon, pelikula at mga serye, unti-unti na raw na natutupad ang mga pangarap Maine.

Malaki ang kaniyang pasasalamat dahil sold out pa rin ang kaniyang librong "Yup, I Am That Girl."

"Alam ko po, nagre-reprint na po ngayon ang Summit. Siguro po in a few weeks magiging available na rin po siya sa bookstores natin. So abang-abang lang po tayo sa mga wala pang kopya and available naman din po siya online," anang aktres.

Sa kaniya namang upcoming cover ng Preview Magazine, suot ni Maine ang isang glittery sequined dress at thigh high black boots, at may pagkakataon din ang fans na pumili ng magiging final cover.

Pangarap din daw ni Maine na magkaroon ng isang cooking show.

Gustong dalhin ni Maine ang kaniyang natutunan sa kaniyang culinary arts degree sa showbiz.

Nag-intern pa nga si Maine noon sa New York.

"Nami-miss ko rin actually 'yung makapagluto nang ganito," sabi niya sa isang event ng iniindorso niyang produkto.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News