Labis na nagpapasalamat ang tambalang "BiGuel" nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix sa lahat ng nanood at sumuporta sa pilot episode ng bago nilang primetime series na "Kambal, Karibal."

Nagsimula ang palabas nitong Lunes, na ang tema ng istorya ay pagmamahalan na tagos hanggang kaluluwa.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, nagpasalamat din sina Bianca at Miguel sa tiwala na binigay sa kanila ng Kapuso network.

"Masaya po kasi again we were given the opportunity and binigyan po ulit kami ng trust ng network," sabi ni Bianca. "Masaya po, masaya habang may ginagawa, habang busy ka," sabi naman ni Miguel.

Nang tanungin kung tagos hanggang kaluluwa rin ba sila kung magmahal, tugon ni Bianca, "Depende po pero ako, oo."

Kasama ng dalawa sa serye ang mga beteranong artista tulad nina Gloria Romeron, Marvin Agustin, Carmina Villaroel at Jean Garcia.

Magkasama rin sina Bianca at Miguel sa pelikulang, "Barbi D' Wonder Beki."

Sa haba ng kanilang pinagsamahan at dami ng kanilang mga proyekto, ipinaliwanag nila kung bakit tila hindi sila nagkakasawaan.

"Kasi everyday we learn new things from each other," sabi ni Miguel.

"I think meron lang po talagang tao sa buhay natin na kahit anong gawin mo, hinding hindi mo talaga pagsasawaan," saad naman ni Bianca.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News