Lagi raw natutunugan ni Bea Binene kapag may inihahandang sorpresa sa kaniya pero hindi ang birthday treat para sa kaniyang ika-20 kaarawan na inihanda ng fans.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing project meeting ang akala ni Bea na pupuntahan kaya nagulat ito nang makita ang kaniyang mga tagasuporta.

At dahil noong November 4 pa ang birthday ni Bea, hindi na inakala ng aktres na may pahabol na selebrasyon na magaganap sa kaniyang kaarawan.

"Kapag may surprise something for me lagi akong nakakatunog, lagi akong may clue. Ngayon sobrang wala talaga, so sobrang na-surprise," ayon sa Kapuso star.

"Nandito lahat yung mga taong alam kong nagmamahal sa akin at sumusuporta sa akin kaya sobrang thankful ako," dagdag niya.

Wish ng ilang sa fans ni Bea na sana ay magkaroon na ng boyfriend ang aktres.

At ngayong 20-years-old na si Bea, may mga target siyang ma-accomplish pati na ang pagkakaroon ng driver's license.

Dahil hilig din ni Bea ang mag-travel, nasa top bucket list niya pagdating sa biyahe ang makarating sa Iceland o Finland para sa "Aurora Borealis."

Hangad din niyang makatapos ng pag-aaral at kumuha ng film making course. -- FRJ, GMA News