Isang "adbokaserye" ang upcoming GMA afternoon prime series na "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" na tatalakay sa HIV/AIDS, kung saan magsasama ang parehong Starstruck graduates na sina Yasmien Kurdi at Mike Tan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Sabado, sinabing first time na magsasama nina Yasmien at Mike, at ipapakita sa serye ang pinagdadaanan ng mga taong mayroong HIV/AIDS para magkaroon ng mas malakawak na kamalayan ang mga manonood tungkol dito.

Sa serye, ang karakter ni Yasmien ang may HIV o human immunodeficiency virus.

"Dapat maging aware na rin talaga ang mga manonood at 'yung mga tao sa TV kung ano 'yung HIV," sabi ni Yasmien.

"Alam ko kung paano at hindi ka mahahawa du'n sa HIV at alam ko rin na hindi sila dapat... alam mo 'yun, huwag mo silang ituring ibang tao," sabi naman ni Mike.

Maselan ang tema ng storya kaya may mga sensitibo ring eksena sina Yasmien at Mike.

Komportable daw naman sila sa isa't-isa dahil pareho silang Starstruck graduates.

Samantala, sobrang flattered naman si Yasmien sa pagtangkilik ng kanyang Malaysian fans sa kanyang huling soap na "Sa Piling ni Nanay."

Ipinalabas sa Malaysia ang naturang soap kaya nagkaroon siya ng maraming fans sa naturang bansa.

"Kakatapos lang ng 'Sa Piling Ni Nanay,' 'yung Isabel doon a week ago, hanggang ngayon nagme-message pa rin sila. Every time I post a picture or a video on Instagram, grabe talaga sila maka-message" sabi ni Yasmien. —Jamil Santos/ALG, GMA News