Hindi man niya personal na kilala ng namayapang K-Pop group member ng "Shinee" na si Kim Jong-Hyun, aminado ang Korean singer-actor at "My Korean Jagiya" star na si Alexander Lee na kabilang siya sa mga naapektuhan sa nangyari sa kababayang entertainer.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagluluksa ang K-pop industry sa pagpanaw ni Jong-hyun, na lead singer ng isa sa mga sikat na South Korean boy group na "Shinee."
Gabi noong December 18, nang natagpuan siyang walang malay sa loob ng isang apartment sa Gangnam, Seoul.
Kinumpirma ng kaniyang agency na SM Entertainment ang pagpanaw ni Jong-hyun.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang anggulong suicide by carbon monoxide poisoning ang nangyari kay Jong-hyun dahil umano sa mga natagpuang coal briquettes sa loob ng apartment unit.
Bago ang kaniyang huling sandali, nagtext pa umano si Jong-hyun sa kaniyang kapatid na babae na tila nagpapaalam.
Kinansela ng SM Entertainment ang lahat ng kanilang activities dahil sa pagkamatay ng isa sa kanilang pinaka-talented artist.
Pangunahin sa mga nagluluksa ang iba pang miyembro ng "Shinee" na sila Minho, Onew, Taemin at Key.
Sa Twitter, marami ang nagpahayag ng kanilang pagkalungkot sa biglaang pagpanaw ni Jong-hyun na nag-concert na rin sa Pilipinas kasama ang kaniyang grupo noong 2013 at nito lamang March 2017.
Sabi ni Alexander, hindi niya personal na kakilala si Jong-hyun pero nagkasabay ang debut ang kanilang grupong "Shinee" at "U-Kiss" noong 2008.
"This is one of the most tragic incident in the K-pop world. Everybody's affected, all the co-workers. All the fans I'm sure are brokenhearted. It was really sad," ayon kay Alex.
Bilang dating miyembro ng K-pop group, alam daw niya ang pinagdaanan ni Jong-hyun.
"I'll be honest it's really tough. I understand the pressure everything you're facing. It's just the nature being in showbiz especially in Korean showbiz. It's tougher," aniya. -- FRJ, GMA News
