Sa ibang araw ng taon, mga nagniningningang bituin ang mga Kapuso stars; ngunit nitong Pasko, nagbakasyon ang mga ito kasama ang kanilang pamilya tulad ng ordinaryong pamilyang Pilipino.
Makikita sa ulat ni Audrey Carampel sa Unang Balita nitong Lunes ang pagpa-Pasko ng mga Kapuso stars bago sumapit ang araw.
Ang Kapuso actress at host na si Pauleen Luna ay nagpasalamat na ikinasal siya kay bossing Vic Sotto at nabiyayaan ng anak na si Talitha Maria nitong 2018.
Nagpapahinga naman ang bagong kasal na si Max Collins at Pancho Magno at dumalo sa pagsasalo ng kanilang mga pamilya.
Si Thea Tolentino naman ay nangakong makabawi sa kanyang pamilya para sa lahat ng mga napalampas niya dahil sa kanyang hectic schedule sa telenobelang Haplos.
Isang one-on-one celebration ang inihanda ni Jerald Napoles para sa kanilang dalawa ng kanyang ina, at magulo at masayang pasko naman ang hinihintay ng Pamilyang Eigenmann.
Habang mapaglaro ang wish ni Ryzza Mae Dizon para sa sarili na tumangkad, ninais ng Mindanaoan na si Lovely Abella na magkaroon ng pagkakaisa ang Pilipino at matapos na ang karahasan sa Mindanao. —Rie Takumi/KG, GMA News
