Inamin ng Kapuso actor Tom Rodriguez na iniidolo niya ang kaniyang mga makakasama sa bagong GMA series na "The Cure" na sina Jennylyn Mercado at Jaclyn Jose, kaya kailangan pa niyang harapin ang kaba sa tuwing nakakaeksena sila.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali," sinabing itinuturing ni Tom na mapalad ang sarili dahil mga big-time na artista na nakakatrabaho gaya nina Jennylyn at Jaclyn.

"We're barely on our second week taping, and yet I really have to get over my fear kasi sobrang iniidolo ko 'yung mga katrabaho ko," sabi ni Tom.

Kakaiba raw ang konsepto ng "The Cure" kaya excited si Tom na gawin ito.

"For a free TV, I find it a very novel concept. As in ginagawa namin lahat ng makakaya namin para makapagbigay sa kanila ng isa na namang nakakaantig and at the same time, heart-fuelling, adrenaline-pumping na show."

Bukod rito sa TV series, busy rin si Tom sa paggawa ng pelikula gaya ng "The Significant Other," kung saan katambal niya si Lovi Poe.

Gagampanan ni Lovi ang isang modelo na hindi ipapaalam ang kaniyang marital status dahil maaari itong makaapekto sa kaniyang career.

Pinuri ni Lovi si Tom sa professionalism nito.

"It's always good working with Tom kasi he's just a gentleman talaga. You won't feel that he's taking advantage of anything of a woman," sabi ng aktres.

Naalala ni Lovi teleserye nila ni Tom noon sa "Someone To Watch Over Me" kung saan mag-asawa ang kanilang role.

"Talagang na-develop 'yung relationship namin as co-actors and talagang du'n ko nakita na paborito ko talaga siyang ka-eksena."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News