Kasabay ng selebrasyon sa kaniyang ika-18 kaarawan, may inihanda raw tribute ang Kapuso at "Kambal, Karibal" star na si Bianca Umali para sa kaniyang namayapang mga magulang.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mas lalong kinakabahan si Bianca habang papalapit ang kaniyang debut sa Marso 17.
Ayon kay Bianca, halos tapos na ang kaniyang mga paghahanda, at hindi mawawala ang tradisyunal na 18 roses at 18 candles.
May gusto rin daw na iparating si Bianca sa kaniyang mga magulang na namayapa noong bata pa siya.
"Meron akong sinulat, pero meron akong mga gustong sabihin," ayon sa aktres.
Nang maulila, nanatili na sa pangangalaga ng kaniyang lola si Bianca.
Bilang bahagi ng kaniyang paghahanda sa kaniyang debut, nakipag-meeting si Bianca kina Gideon Hermosa, ang go-to stylist ng malalaking celebrations tulad ng mga kasal at debut, at Charisse Tinio, na kilalang pangalan sa likod ng memorable celebrity events.
Samantala, unti-unti na rin tumatatak bilang mahusay na kontrabida si Kyline Alcantara sa "Kambal, Karibal."
Pero maliban sa mahusay na pag-arte, may itinatago rin palang talento sa pagkanta si Kyline.
Napag-alaman na nagte-teatro na si Kyline mula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Kaya naman tila bihasa na siya sa pagkanta, lalo't nag-viral ang cover niya ng Ed Sheeran hit song na "Perfect."
Inihayag ni Kyline na gusto niyang maka-duet balang araw si Asia's Pop Sweetheart Julie Anne San Jose.
"Her sexy body, her voice and 'yun po. Sobrang idol ko po talaga siya. Siguro may dancing. Kasi po gusto ko pong parang maranasan naming maging si Beyonce," sabi ni Kyline.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
