Inihayag ni Kapuso actor Mike Tan na ikinasal na siya sa kaniyang long-time girlfriend of 12 years. At dahil non-showbiz ang ngayo'y asawa na niya, iginagalang daw ni Mike ang desisyon nito na gawing pribado ang kanilang kasal.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" noong Miyerkoles, sinabing nangyari ang kasal nina Mike at ng kaniyang girlfriend sa ancestral house ng isa nilang kaibigan sa Rizal.

Simple at pribado ang ginawang seremonya, na ayon kay Mike, ito rin ang gusto nila pareho.

"'Yun naman 'yung pag-honor ko sa request niya kasi hindi rin naman siya celebrity, hindi rin naman siya artista. So ako lang din 'yun, ino-honor ko 'yung request niya, at the same time, 'yun din naman 'yung gusto ko."

Noong Valentine's Day, nag-post si Mike sa kaniyang Instagram ng larawan nila ng kaniyang nobya bilang pag-aanunsyo na bagong kasal na sila.

"No one has ever seen God; but if we love one another, God lives in us and His love is made complete in us. (1 John 4:12) #HappyHeartsDay #ValentinesDay" caption ni Mike.

Binati naman nina Yasmien Kurdi at Martin del Rosario ang co-Kapuso star nilang bagong kasal.

"I'm happy for him. Sabi ko 'Mike! Mabuhay ang bagong kasal!'" ayon kay Yasmien.

Kasabay nito, inihayag din ni Mike na plano na nilang magkababy ng kaniyang misis.

"As soon as possible. We're old, we're old. So kailangan na talaga," ayon kay Mike.

Kasama ni Mike sina Yasmien, Martin at ang beterang si Gina Alajar sa adbokaseryeng "Hindi Ko Kayang Iwan Ka," na ipalalabas na sa darating na Lunes, Pebrero 26.

First time na napanood nina Mike, Yasmien at Martin ang pilot episode ng kanilang programa sa bloggers' preview na ginawa nitong Miyerkoles.

Namangha ang tatlo sa mga nakakaantig na eksena.

"Hindi ako biased kasi show namin ito, pero naramdaman ko rin talaga at nagulat din ako. Sobrang naramdaman ko siya, kay Martin, kay Yasmien tsaka siyempre sa akin," ayon kay Mike.

"Kakabasa ko sa story ni Thea, mas na-hook ako sa character niya," sabi ni Yasmien.

"Ngayon ko lang napanood, ang ganda with the music nga. Even 'yung acting, alam ko 'yung tatakbuhin ng istorya, nakaka-proud talaga," sabi naman ni Martin.

Kasama sa pilot episode ang wedding scene nina Mike at Yasmien.

Mapapanood ang "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng "The Stepdaughters". —LBG, GMA News