Maraming natutunan ang cast ng bagong GMA adbokaserye na, "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" sa mga dinaluhan nilang seminar tungkol sa HIV/AIDS, na itatampok sa programa. Ayon kina Mike Tan, Yasmien Kurdi at Martin del Rosario, tulong at suporta ang kailangan ng mga may HIV at hindi panghuhusga.

 

 


Sa ginanap na blogger's conference ng programa nitong Miyerkoles, sinabi ni Mike na may mga nakausap sila na mismong mga pasyente na may HIV, at hindi pa gaanong mulat ang ibang tao tungkol sa sakit.

"Nagkaroon kami ng seminar tungkol du'n sa AIDS at HIV. Oo may alam na ako before pero hindi pa ganu'n kalalim. May mga na-meet din akong mga tao na may HIV, may AIDS, so hindi na rin bago sa akin at alam ko rin naman 'yung, sorry sa term, sa kakitiran ng mga tao tungkol du'n sa HIV kasi hindi nila alam," saad ni Mike.

"Minsan iniisip nila, parang ketong 'yon. No hindi 'yon parang ketong, hindi 'yun basta-basta nakakahawa. Para sa akin kasi, 'yung mga taong may HIV at AIDS, hindi nila kailangan ng pangungutya, kailangan nila ng love and support du'n sa mga friends and families nila, kung paano nila ma-o-overcome 'yung sakit na 'yon," dagdag pa ng aktor.

"Kasi ang napansin ko, may mga kaibigan na kaming namatay dahil sa HIV to AIDS, kasi na-depress sila. Hindi dapat sila ma-depress. Iparamdam pa rin natin sa kanila na nandu'n pa rin tayo para sa kanila," patuloy niya.

Si Martin naman, inalam kung ano ang emosyon ng mga taong may HIV.

"Bukod doon sa seminar na pinuntahan namin, nagtanong-tanong ako kasi meron akong tita na doktor. Bukod doon sa informative na mga nalaman namin, 'yung AIDS kung paano nakakahawa, tinanong ko more of ano 'yung emosyon na pinagdadaanan ng mga taong kakaalam lang nila na may HIV sila, ano 'yung nag-push sa kanila para lumaban sa HIV. As an actor, 'yun 'yung inalam ko talaga, kasi 'yun 'yung pagdadaanan ng ibang charcters sa serye," sabi ni Martin.

Iba raw ang HIV sa AIDS, ayon kay Yasmien.

"'Yung mga tao, usually kapag sinabing HIV, akala nila AIDS. So kung makikita mo si Thea sa palabas, magtataka ka kung bakit hindi siya agad namatay. Sabi nila 'pag may AIDS ka or HIV ka, ang sama na 'yung kutis mo or nangangayayat or iba na 'yung itsura mo. It varies with different people and ang HIV hindi siya AIDS. 'Yun 'yung dapat malaman din ng mga manonood," paliwanag niya.

Gagampanan ni Yasmien ang karakter ni Thea Balagtas, ang babaeng magkakaroon ng HIV, ngunit at aalamin niya kung papaano niya nakuha ang virus.

"Kung hindi nila aagalagaan 'yung sarili nila, ng mga may HIV, pupunta siya sa AIDS. Kaya in fairness sa mga taong may HIV na nakausap namin, they're very healthy, inaalagaan talaga nila sarili nila. Kaya kailangang alagaan ang sarili mo 'pag may HIV ka," dagdag ng aktres.

May payo si Yasmien para iwasan ang HIV.

"How to protect yourself? Stick to one. Be loyal to your partner. At the same time na hindi ka makakahawa ng ibang tao, hindi ka rin makakasakit ng puso. So I think it is better to stick to one na hindi ka 'yung lipat-lipat ng partner," ayon kay Yasmien.

Mapapanood ang "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" simula sa Lunes, Pebrero 26, sa GMA Afternoon Prime. -- FRJ, GMA News