Bida ngayon si Mikoy Morales sa GMA weekly fantasy series na "Sirkus" at napapanood pa sa ilang Kapuso shows. Ngunit bago nito, inamin ng aktor na minsan din siyang pinanghinaan ng loob dahil sa kawalan ng trabaho matapos maging runner-up sa talent search na "Protégé."
Ipinanganak si Mikoy, o Vincent Marco Chu Morales sa tunay na buhay noong Disyembre 11, 1993. Panganay siya sa dalawang magkapatid at laking Santa Mesa Maynila.
Bata pa lang, mahilig na raw talagang umarte si Mikoy, ayon sa kaniyang mga magulang sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay."
Paglalarawan ng kaniyang ama, mahilig mangatuwiran si Mikoy noong bata pa ang aktor. Matalino at mahusay sa memorization ang aktor na consistent honor noong elementary at high school.
Second year college si Mikoy nang makasali siya sa "Protégé: The Battle For the Big Artista Break" noong 2012 matapos maipakilala ng kaibigan sa isang talent scout.
Nakasama ni Mikoy sina Ruru Madrid, Thea Tolentino at Jeric Gonzales sa loob ng tatlong buwan sa loob ng iisang bahay para sa programa.
"Na-homesick ako. Pero they started teaching us how to acknowledge our own emotions na hindi ko nagawa for a very long time dito sa bahay. I was after the achievements na nag-iba. As a person, masyadong ito na ako (tinuturo ang utak) na parang hindi ko na nararamdaman 'yung buhay ko," pagbahagi niya.
Pero matapos ang naturang programa, hindi kaagad pinalad na nakakuha ng trabaho si Mikoy, dahilan para panghinaan siya ng loob.
"I start to become insecure. Honestly, I compared myself to the other contestants," saad ni Mikoy.
Pero unti-unting nawala ang naturang kalungkutan nang magsimula nang dumating sa kaniya ang mga proyekto sa Kapuso Network. Napabilang siya sa "Party Pilipinas," "Teen Gen," "Pepito Manaloto," at "Bubble Gang."
At ngayon, bida siya sa "Sirkus," kasama si Mikee Quintos na napapanood tuwing Linggo ng hapon.
"Sa lahat ng nangyari ngayon, I think, we all have our purpose. You're meant to go there and change something there or do something there," sabi ni Mikoy.
Bagaman unti-unti na niyang nakakamit ang kaniyang pangarap sa mundo ng showbiz, isa raw sa mga nais pa niyang gawin at masubukan, ang maging kontrabida.-- FRJ, GMA News
