Para kay Thea Tolentino, ang pagkainis sa kaniya ng mga manonood dahil sa pagganap niya sa mga kontrabida roles ay nagpapakita lang na epektibo ang kaniyang acting.

 

 

"Masaya, kasi sabi nga nila kapag nagagalit sa 'yo 'yung tao, ibig sabihin, maganda 'yung pinapakita mong performance. Nakikita nilang masama 'yung character," saad ni Thea nang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Huwebes.

Malaki ang pasasalamat ni Thea dahil hindi umano pinipersonal ng fans ang kaniyang role at hindi siya inaaway sa mga publikong lugar.

"In fairness nga, wala pang nang-aaway sa 'kin in public. Napapaghiwalay nila 'yung sa character lang at saka 'yung sa totoong Thea," saad niya.

Mabibilang pa naman daw sa mga daliri ang mga co-star na kaniyang nasampal sa eksena.

"Pinakauna kong nasampal, si ate Valerie (Concepcion). Si Barbie (Forteza), si Joyce (Ching), bilang pa naman sa dalawang kamay. Si Janine (Gutierrez), sina Sanya," natatawa niyang sambit.

Nakasama ni Thea sina Valerie, Barbie at Joyce sa "Anna Karenina" noong 2013, samantalang si Janine sa "Once Again" noong 2016, na pawang mga serye sa GMA Telebabad kung saan kontrabida ang role niya.

Ayon kay Thea, hindi naman siya magaling manampal, pero napalakas ang kaniyang sampal kay Sanya sa katatapos lang na GMA serye na "Haplos."

"Hindi. Actually hindi ako magaling manampal. Tapos minsan nakakatsamba lang ako. 'Yung pinakamalakas na sampal na nagawa ko, sa 'Haplos,' kay Sanya. As in nakuha ko pa 'yun sa video, playback lang, pero dinig na dinig," pag-alaala niya.

Sa "Haplos" din daw niya natutunan ang tinatawag niyang "evil laugh."

"Kasi hindi ko kaya 'yun eh. 'Di ba usually 'yung mga evil laugh, mga matataas. Sa akin mababa siya, pero evil laugh," kuwento pa ni Thea.

Ayon pa sa aktres, mahinhin pa rin siya sa tunay na buhay, at nailalabas lang niya ang pagiging matapang sa kaniyang pagganap bilang kontrabida. --FRJ, GMA News