Maganda ang feedback ng mga netizens sa pagganap ng Kapuso teen actress na si Kyline Alcantara bilang kontrabida sa GMA-7 primetime teleserye na "Kambal, Karibal."

Gumaganap si Kyline bilang si Chesca, na ang katawan ay sinaniban ng kaluluwa ni Crisel (played by Pauline Mendoza).

Natutuwa naman daw si Kyline sa mga nababasa niyang comments sa kanya ng marami kaya lalo siyang ginaganahan na husayan pa ang pagganap niya sa naturang teleserye.

“Mas nakaka-boost po ng confidence ang both positive and negative reviews sa akin.

“Kasi doon ko rin po binabase sa mga feedback nila kung ano pa ang kulang ko sa pagganap ko as Chesca.

“Open naman po ako sa lahat ng comments nila sa akin. Tanggap ko po kung may ayaw sa pag-arte ko.

“It’s the only way po para mag-grow ka as an artist sa industriyang ito.

“Noon pa man po, nailagay ko na sa isipan ko na hindi lahat magugustuhan ang mga ginagawa mo.

“So there’s always room for improvement.

“Hanggang kaya ko pa po mag-improve sa acting ko, gagawin ko po,” pahayag ni Kyline nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Kambal, Karibal sa Pasig Rainforest Park sa Pasig City noong nakaraang March 1.

Sa edad ni Kyline na 15 anyos, malawak na raw ang nagiging kaalaman niya sa pag-arte.

ACTING PEG. Bukod sa paghanga niya sa paborito niyang mga kontrabida na sina Bella Flores at Cherie Gil, mahilig din siyang manood ng mga American drama series para doon siya makakuha ng iba’t ibang istilo sa pag-arte.

Sa kasalukuyan ay paboritong panoorin ng teen actress ang series na How To Get Away With Murder na pinagbibidahan ng Oscar, Emmy at Tony Award-winning actress na si Viola Davis.

“Ang galing kasi po ni Viola sa role niya as Annalise Keating.

“Gusto ko po kung paano siya mag-deliver ng lines niya, lalo na kapag nagagalit siya.

“May mga eksena naman po na mata lang ang ginagamit niya kapag nagagalit siya.

“Yun po ang ginagaya ko na acting style.

“Yung may kinikimkim kang galit pero any time puwede ka pong sumabog.

“Pero nagagawa mo pa ring ikontrol iyon, pero makikita pa rin sa mukha mo yung intensity ng emotions,” saad niya.-- For the full story, visit PEP.ph