Ang Kapuso singer-actress na si Aicelle Santos ang napiling kumanta ng bagong theme song ng GMA Life TV. Samantala, sa Davao naman dumayo ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez para sa audition ng bagong Kapuso singing competition na "The Clash."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng "Traffic Diva" na si Aicelle na ten years ago nang una niyang kinanta ang theme song GMA Life TV kung saan kasama pa niya noon ang mga ka-trio na La Diva.
"Maganda, maganda 'yung kanta ngayon," saad niya. "I'm so thrilled and very happy to be the voice of GMA Life TV."
Ang GMA Life TV ang nagpapalabas ng GMA at GMA News TV shows sa iba't ibang panig ng mundo gaya ng Middle East, North Africa, Southern Europe, Australia, New Zealand at buong USA.
Samantala, pinangunahan naman ni Regine ang Mindanao audition ng "The Clash" na ginawa sa Davao.
Daan-daang singing hopefuls mula sa iba't ibang bahagi ng Mindanao ang bumirit at nagpakitang-gilas ng kani-kanilang talento sa pag-awit.
Bukod sa audition, naka-meet and greet din ng ilang kapusong Davaoeños si Regine, kumanta rin ng ilan sa kaniyang signature hit songs. -- FRJ, GMA News
