Kung pa-girl ang character na ginagampanan ni Rhian Ramos sa Kapuso series na "The One That Got Away," palabang pulis naman siya sa bago niyang movie na katambal ang nagbabalik-pelikula na si Jolo Revilla.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing action trilogy ang kinabibilangang proyekto ni Rhian, na kasama rin ang iba pang kapatid ni Jolo na sina Brian at Luigi.
"Na-e-enjoy ko talaga, the training experience ang dami kong natutunan, ang gagaling ng mga nagtuturo," anang aktres. "Parang lahat du'n sa stance at sa form ko pinansin nila so i feel confident na I'm approaching the role na, well, well informed."
Puring-puri din ni Rhian si Jolo na unang pagkakataon niyang nakatrabaho.
"First time ko na na-experience na 'yung first day ko ng shooting may bouquet ako ng flowers. So kind and welcoming and such a gentleman. Everyone on the set, I feel that everyone's taking care of me," saad ng Kapuso star.
Sabi naman ni Jolo tungkol kay Rhian, "Medyo kahit papaano close na kami. Maayos naman, masarap siya katrabaho, very professional."
Sa sobrang magkaiba raw ng karakter niya sa pelikula at sa serye, sinabi ni Rhian na baka mag-away daw ang dalawa kapag nag-usap.
"Kung nag-usap silang dalawa, hindi sila magkakaintindihan at mag-aaway siguro. Sobrang magkaiba sila," ayon kay Rhian.
Samantala, dapat daw abangan ang mangyayari sa role niya sa Kapuso series na si Zoe at sa iba pang character na ginagampanan nina Lovi Poe, Max Collins at Dennis Trillo.
"Magkakaroon ng pagkakamali si Zoe, so makikita po kung gaano sila ka-close at how much they understand each other. Kasi makikita kung ipo-forgive ba nila si Zoe," pag-imbita ni Rhian. -- FRJ, GMA News
