Apat katao ang nasawi matapos salpukin ng isang wing van ang isang motorsiklo na may tatlong sakay sa Barangay Busay sa Cebu City nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing pababa ang direksyon ng van nang mawalan ng kontrol ang driver nito at salpukin ang motorsiklo na sinasakyan ng tatlong biktima na paakyat naman ang direksyon.
Pumailalim sa van ang mga sakay ng motorsiklo at agad na nasawi— na kinabilangan ang isang babaeng 60-anyos at kaniyang dalawang pamangkin.
Dinala naman sa ospital ang driver ng van at kaniyang pahinante. Pumanaw ang driver kinalaunan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. – FRJ GMA Integrated News
