Sa programang "Mars," hindi itinanggi ng Kapuso actress na si Sanya Lopez na "nakikialam" ang kuya niyang aktor na si Jak Roberto pagdating sa kaniyang love life. Ang isa sa mga host ng programa na si Camille Prats, nakaka-relate daw sa sitwasyon ng aktres.

Paliwanag ni Sanya, nais umano ng kaniyang kapatid na si Jak na malaman kapag may nanliligaw sa kaniya para makilala rin ito ng aktor.

"Lagi lang niyang sinasabi sa akin na everytime na may manliligaw sa akin dapat alam niya. Dapat siya muna ang ligawan para at least makilala rin nila kung sino yung nanliligaw sa akin," paliwanag niya.

Para sa mga host ng programa na sina Camille Prats at Suzi Abrera, protective at sweet si Jak sa kapatid.

Pero ayon kay Sanya, never pa naman siyang nagka-boyfriend, at wala pa siyang ipinapakilala kay Jak na nanligaw sa kaniya.

Alam naman daw ni Camille ang pinagdadaanan ni Sanya dahil naranasan din niya ito noon sa kaniyang kuya kaya raw walang masyadong artista na nanligaw sa kaniya.

Si Camille ay nakababatang kapatid ng aktor na si John Prats.

"Kahit ako na-bad trip ako sa kuya ko noon. Sinsabi ko sa kaniya hanggang ngayon, 'Alam mo ikaw ang may kasalanan kung bakit walang masyadong artista na nanligaw sa akin,'" kuwento ni Camille.

"Kasi lahat kaibigan niya. So parang frinend [frend] zone na lang nila ako," dugtong niya.

Natatawang sabi pa niya kay Sanya, " I feel you girl. 'Di bale darating din 'yan."

Samantala, pagdating kay Rocco Nacino na nakatambal niya sa fantaseryeng "Encantadia", nilinaw ni Sanya na hindi niya naging nobyo ang aktor.

Nauugnay ngayon si Rocco sa volleyball star na si Melissa Gohing. --FRJ, GMA News