Nawalan ng P320,000 ang entertainment writer na si Lolit Solis at ang tatlo pa niyang mga kasama, matapos silang ma-scam umano ng isa palang pekeng travel agency.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakatakda sanang magbakasyon si Manay Lolit noong Pebrero sa ibang bansa, nang malaman nilang hindi pala binayaran ng agency ang kanilang booking.

"Pagdating namin sa airport, wala naman pala kaming booking. Hindi niya pala binayaran 'yung ticket," aniya.

Payo ng Philippine Travel Agencies Association, dapat ay lehitimo ang kinakausap na ahensya para maiwasan ang mga travel scam.

"Kailangan magbu-book ka du'n sa merong physical office. Napakaimportante kasi na alam mo ang location ng travel agency, napuntahan mo, nakita mo na meron 'yang mga business permit," sabi ni Marlene Jante, President, PTAA.

Hindi rin dapat agad-agad na kumagat sa mga murang travel package.

"If the price is too good to be true, then it's false. May catch 'yan," sabi ni Dolly Santos, VP for Outbound, PTAA.

Inaasahang dadami pa ang mga bibiyahe ngayong papalapit na Semana Santa. Umabot sa 500,000 ang mga pasaherong umalis mula sa NAIA mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay noong nakaraang taon, ayon sa nakalap na datos ng GMA News research. Ganoon din kadami ang mga dumating.

Ayon pa sa PTAA, mahigpit ang kanilang screening sa mga ahensiyang gustong maging kasapi ng kanilang samahan. Sinusuri ng PTAA kung gaano katagal ang nag-o-operate na travel agency, kung may opisina ba ito, at kung may mga permit.

Mayroon ding mekanismo ang PTAA para ireklamo ang mga miyembro nitong mabibigong ibigay ang ipinangakong serbisyo.

"Ang PTAA kasi merong ethics committee. At kung may problema ang isang member ay sinusulatan ito at pinapatawag. Meron kaming karapatan para alisin ang member na ito.

Nagbigay din ng payo ang Department of Trade and Industry na siguruhing nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ang travel agency, at magtanong-tanong sa mga kakilala.

"'Yung payment scheme na deposit na bank deposit, medyo hindi rin siya dapat pagtiwalaan. 'Yung meron namang payment gateways na credible and reputable," sabi ni Usec. Ruth Castelo ng DTI. —Jamil Santos/JST, GMA News