Ikinuwento ng dating nangangakal ng basura sa Tondo, Maynila na naging actor-politician na si Isko Moreno kung papaano siya nadiskubre at nakapasok sa sikat na youth-oriented variety show noon na "That's Entertainment."

Sa first part ng 8th anniversary special ng "Tonight with Arnold Clavio,"  ang mga dating miyembro ng "That's Entertainment" ang naging bisita tulad nina Isko, Ara Mina, Sharmaine Arnaiz, Nadia Montenegro, Donita Rose, Jojo Alejar, Chuckie Dreyfus at Keempee de Leon.

Ayon kay Isko, nasa lamayan siya noon nang makita siya ng talent scout-manager na si Wowie Roxas at hinikayat siyang mag-audition sa "That's," at doon na nagsimula ang kaniyang showbiz career.

Naikuwento naman ni Ara kung papaano pinagtatawanan noon si Isko ng ibang mayaman na nakasabay nilang nag-audition noon sa "That's."

"Sabay kaming nag-audition tapos yung mga kasabayan namin medyo mayayaman yung iba tapos mapera, tapos siya [Isko] talaga yung suot niya...tapos pinagtatawanan si Isko kasi halatang pinahiram lang yung damit sa kaniya kasi maluwag," kuwento ni Ara.

Pag-amin ni Isko, damit ni Roxas  ang suot niya para maging maayos ang kaniyang hitsura sa audition.

Hindi inililihim ni Isko na dati siyang nangangalakal ng basura sa Tondo at naranasan din niyang kumain ng "pagpag" o pagkain na nakuha sa basura.

Aminado naman ang mga kasamahan niya sa "That's" ang malaki nilang paghanga kay Isko na mula sa pagiging mahirap ay umasenso at tumutulong pa sa kapwa.

Mula sa pag-aartista, nakapasok sa politika sa Maynila si Isko na naging konsehan at bise alkalde. -- FRJ, GMA News