Tiyak na magbabago ang buhay ng tatlong kasambahay matapos na makuha nila ang mailap na mega jackpot sa "Wowowin," na kinabibilangan ng house and lot, kotse, at P1 milyon.
Sa episode ng "Wowowin" na ipinalabas nitong Miyerkoles, pinaglaro ni Willie Revillame ang tatlong kasambahay na sina Verly, Janice at Dongko para sa segment na "Pera o Kahon."
Umabot sa P300,000 ang alok na pera ni Willie sa tatlo pero ang kahon pa rin ang kanilang pinili na naglalaman ng mega jackpot na Bria house and lot, brand new car, at mayroon pang P1 milyon na kanilang paghahatian.
Si Dongko na tubong-Surigao, nais na buuin muli ang kaniyang pamilya na nagkawatak-watak mula nang mamatay ang kanilang magulang noong nakaraang taon at naibenta ang kanilang bahay at lupa sa probinsiya.
"Ito na siguro 'yung pagkakataon na buuin ko 'yung pamilya ko. Kahit na wala na yung magulang ko," pahayag niya sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."
Malaking biyaya rin para kay Verly ang kanilang pagkakapanalo na kahit minsan ay hindi pa raw nakakahawak ng P10,000.
"Pang-apat na audition ko na ito. Sa pang-apat na audition, sabi ko Lord, sana po ibigay sa akin," kuwento niya.
Plano naman ni Janice na pauuwiin na raw niya ang kaniyang mga kapatid na domestic helper sa Singapore para mabuo na rin ang kanilang pamilya.
Gayunman, sinabi ni Janine na kahit nanalo sila ng mega jackpot, hindi muna niya iiwan ang kaniyang mga amo na tinatanawan niya ng utang na loob.
Agosto 2017 huling napanalunan ang mega jackpot ng tatlong estudyante.
READ: 3 estudyante, nasungkit ang mega jackpot sa Wowowin
Ang kolehiyala naman na si Shayne ang naging unang mega jackpot winner noong 2016.
WATCH: Unang 'Wowowin' Mega Jackpot winner na si Shayne
-- FRJ, GMA News
