Maaaksyong mga eksena kaagad ang itinampok sa pilot episode ng bagong GMA action-thriller series na "The Cure" nitong Lunes ng gabi. Ang bida sa serye na si Jennylyn Mercado, sumabak pa sa martial arts training para sa mga maaksyong eksena.

Sa unang pag-ere ng "The Cure," ipinakita na ang nagaganap na kaguluhan dahil lumaganap na ang virus na nagiging dahilan para maging bayolente ang mga taong naapektuhan nito.

Magkakaroon naman ng flashback scene o balik-tanaw,  na ipinakita kung gaano kalapit ang pamilya nina Jennylyn at asawa niyang doktor na si Tom Rodriguez, na naghahanap ng lunas para sa sakit na cancer ng kaniyang ina.

Tinalakay din agad sa mga eksena ang dahilan ng paghahanap ng mga dalubhasa ng gamot para sa cancer na pinamumunuan ni Jaclyn Jose.

Aabangan sa mga susunod na episode kung papaano magsisimula ang paglaganap ng virus.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali," sinabing gumaganap si Jennylyn bilang si Charity Salvador, isang mapagmahal na asawa at ina ngunit palaban at handang gawin ang lahat para sa protektahan ang pamilya.

Ayon kay Jennylyn, pinaghandaan niya ang kaniyang karakter sa muli niyang pagsabak sa martial arts, na makikita sa kaniyang Instagram posts.

"Bumalik lang ako sa jiu jitsu tsaka sa reaction training. Very physical 'yung mga ginagawa naming mga stunts tapos kapag nagte-taping kami, puro fight scenes so kailangan namin kahit paano maging fit tapos 'yung reaction namin mas mabilis," sabi ni Jennylyn.

 

 

#balintawak and #dulodulo training with Sir Flint. @tabimina_balintawak

A post shared by Jennylyn Mercado (@mercadojenny) on

 

Tamang-tama din sa tema ng kuwento ang kanilang kamangha-manghang set at location.

"'Yung set namin talagang abandoned building siya. Parang hotel siya na gagawin tapos hindi tinapos hanggang sa tubuan na lang ng mga halaman, nagkaroon na ng mga webs. Talagang lumang-luma na 'yung hitsura niya," ayon pa kay Jen.

Unang pagkakataon nilang magsasama si Tom sa isang serye.

"Wala masyadong mga kilig moments pero magfo-focus 'yung story sa love at sa pagmamahal sa pamilya, sa paghahanap ng cure at 'yung pamilya na 'yun gagawin nilang lahat para mabuo sila ulit at magsama-sama," sabi ni Jennylyn.

Kasama rin nila si Leanne Bautista, na gumaganap bilang kanilang anak na si Hope.

Samantala, hindi lang tinutukan sa telebisyon kung hindi pinag-usapan din online ang serye tulad ng pag-trend ng #GMATheCure sa Twitter.

Nakatanggap ng mga positibong komento mula sa netizens ang pilot episode ng serye.

 

 

It’s spreading! #gmathecure #getinfected @gmanetwork

A post shared by Mark Reyes (@direkmark) on

 

Tumanggap rin ang show ng mga papuri mula sa fans.

 

 

--Jamil Santos/FRJ, GMA News