Nagbabalik-telebisyon ang "Lumen Twins" na sina Charlotte at Charice Hermoso sa upcoming GMA series na "Inday Will Always Love You."

 


Gaganap sila bilang mga close friend ng karakter ni Kim Rodriguez, isa sa mga magpapahirap sa buhay ni Happylou (Barbie Forteza).

Hamon sa Lumen Twins ang muling pagsabak sa showbiz, na pumasok sa modelling habang hindi napapanood sa TV.

"Kasi po last time, sa mga events lang kami. Kapag events lang, photos lang, taking pictures. Ngayon po, kailangan alam mo 'yung ginagawa mo. As in dapat may knowledge ka, hindi porke't 'yung role mo, eto lang. Dapat alam mo 'yung buong istorya kasi part ka rin," sabi ni Charlotte.

"Hindi mahalaga kung maliit ka man du'n sa role na 'yon o malaki, part ka pa rin no'n," ayon naman kay Charice.

Nag-modeling daw si Charice noong nakaraang taon, sumunod naman nitong nakaraang buwan si Charlotte.

Nang tanungin kung madali ba ang pag-arte, sagot ng kambal, "super hirap po umarte."

Napanood na rin ang kambal noon sa Kapuso series na "Impostora" noong 2007.

"Kasi po hindi kami umaarte, hindi po ako ma-'pak, ganon' magsalita, kabog. Eh ngayon mga ganu'n po 'yung mga linya namin. Pero kasi nga gusto ng GMA News and Public Affairs na 'yung role namin iba naman sa nakasanayan ng mga tao nu'ng bata pa kami. At hands on naman sila sa pagtuturo sa pag-arte namin," sabi ni Charlotte.

Kuwento pa ni Charlotte, nang dahil sa modelling kaya sila nahanap ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

"Kasi po nai-intimidate po ako, siyempre kapag model, kailangan talagang flawless ka, 'yun 'yung nasa utak ko, 'yung setting ng mind ko. So baka hindi ako bumagay, pero nu'ng nag-try po ako, may mga photographers naman po na mga mababait.  Binigyan nila kami ng magandang photos na puwede naming i-upload sa social media. 'Yun din po ang reason kaya kami nakuha sa 'KMJS,'" kuwento niya.

Ngayong balik-TV sila, handa daw ang dalawa na tanggapin ang mga hamon sa showbiz.

"'Pag pumunta ka dito parang kailangan mong pagsikapan," sabi ni Charice.

"Hindi po 'yung kapag gusto mo lang pumasok, makakapasok ka. Dito talaga kailangan mong paghirapan, kailangan meron ka munang ipakita sa kanila na deserve mo kung ano 'yung ibibigay nila sa'yo," sabi ni Charlotte.

"Tsaka hindi po lahat, nakakapunta sa pwesto namin kaya kailangan namin talagang i-pursue 'yung career," ani Charice.

"Ipakita namin na worth it," ani Charlotte. "Nu'ng tinanggap po kami ng GMA News and Public Affairs para sa role, may tiwala sila, 'Ah baka kaya ko pa.' Ipinapakita po nila na kaya namin gampanan 'yung role na 'yon."

Kung sakaling pipili sila ng network kung saan sila pipirma ng exclusive contract, "GMA po! Kasi iba po sila mag-alaga!" sabay na sabi ng kambal.

Showbiz and school

Pareho nang malapit magtapos ang kambal, at pinagsisikapan nilang ma-maintain ang kanilang grades.

"To be honest, mahirap po. Pero as long as determined ka naman na magkaroon ka ng magandang grades and magtapos, and isang year na lang din naman kami sa college life," sabi ni Charice.

Hindi naman po kami porke't artista or may raket or what, hindi na rin po namin ginagawa 'yung gawain namin sa school, ginagawa pa rin po namin. Kasi may promise po kami sa parents namin na kahit anong mangyari, 'yung grades namin mataas pa rin. Ngayon po kasi OJT namin, so sabay-sabay pero tinatrabaho," sabi ni Charlotte.-- FRJ, GMA News