Mapapanood na rin ang viral boy group na "Ex Battalion" sa telebisyon, na bibida sa bagong GMA rom-com series na "Inday Will Always Love You."
Magiging ka-barangay sila ni Happylou, ang karakter ni Barbie Forteza, at magiging close sila sa isa't isa.
Ayon sa grupo, hindi nila inaasahan na maging bahagi ng isang teleserye, lalo't hilig nila ang simpleng pakanta-kanta lamang.
Ngunit hindi raw nahirapan ang grupo na gampanan ang role na kapitbahay na makukulit dahil natural na lamang ito sa kanila, sabi ng grupo kay Kimberlie Refuerzo, isa sa mga social media producer ng programa.
Kuwento pa ng grupo kay Refuerzo, nabigla raw sila dahil "easy to work" si Barbie, at kabisado ng aktres ang hit nilang "Hayaan Mo Sila," na ikinatuwa naman nila.
Panalo sa ratings ang pilot episode ng "Inday Will Always Love You," at isa rin sa mga nag-trend sa Twitter nang magsimula ito noong Mayo 21.
Itinatampok ng show ang ganda ng Cebu, na sikat sa mga inihahain nitong litson.
Dito rin hahanapin ni Happylou ang kaniyang ama, na gusto niyang makapiling.
Ngunit sa paglibot ni Happylou sa Cebu sa tulong ng kaniyang best friend na si Ernest, makikilala niya ang mayamang si Patrick, na bibili ng litsunan na kaniyang pinagtatrabahuhan.
Mapapanood naman si Happylou at ang Ex Battalion nitong Miyerkoles. —Jamil Santos/LBG, GMA News
