Muling mapapanood sa primetime block ng GMA si Pambansang Bae Alden Richards sa pagbida niya sa upcoming telefantasya series na "Victor Magtanggol."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel, tiniyak ni Alden na marami ang makaka-relate na kaniyang karakter sa serye.

"Si Victor Magtanggol ay isang simpleng tao na nabigyan ng isang extraordinaryong misyon sa buhay, na masusukat ang lahat sa buhay niya; pagsubok sa pamilya, pagsubok bilang kapatid, pagsubok bilang kaibigan. Lahat," saad ng aktor.

Kaagad umanong tinanggap ni Alden ang proyekto dahil first time niyang gagampanan ang naturang karakter na matagal na raw niyang gustong gawin.

Bukod dito, kakaiba rin umano ang istorya ng "Victor Magtanggol" na binuo ng creative team.

"Natuwa ako, na-excite. Kasi 'yung puso ng karakter naramdaman ko agad binasa ko pa lang 'yung first week ng script," sabi ni Alden.

Sinabi pa ni Alden na napapanod ang istorya ng serye, may aral na makukuha at kapupulutan din ng inspirasyon.

Puno umano ng drama, aksiyon at adventure ang serye na sumasalamin sa buhay ng bawat Pilipino.

"Gusto natin kapag pinanood ng mga Kapuso natin si Victor Magtanggol sa telebisyon makikita nila 'yung mga sarili nila," ani Alden. --FRJ, GMA News