Inaresto at kinasuhan ang celebrity na si Frank Magalona matapos na ireklamo ng pambabastos dahil sa paghipo umano sa puwet ng isang babae sa isang bar sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabi ni Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District (SPD), na base sa reklamo ng biktimang "VIP" host sa bar, madaling araw nitong linggo nang may maramdaman siyang humawak sa kaniyang puwet habang nagse-serve ng alak.

Nang lumingon, nakita umano ng biktima si Magalona ang humipo sa kaniya.

Kaagad siyang nagsumbong sa manager at sa bouncer ng bar kaya naaresto si Magalona.

Hindi naman umano malinaw sa pulisya kung lasing si Magalona nang mangyari ang insidente.

Naisampa na raw sa piskalya ang reklamong unjust vexation laban kay Magalona, na sinasabing nakadetine sa Taguig police.

Kinumpirma ng piskalya na may isinampang reklamo laban kay Magalona pero hindi sila nagbigay ng kopya at tumanggi silang humarap sa camera.-- FRJ, GMA News