Mula sa pagiging cute na si Duday sa 2001 GMA sitcom na "Daddy Di Do Du," dalagang-dalaga na ngayon at seksing-seksi ang 20-anyos na si Isabelle De Leon.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Isabelle na marami siyang natutunan sa timing ng pagpapatawa sa mga kasama niya sa sitcom lalo na kay Bossing Vic Sotto, na naging ama niya sa programa.
"Ang dami ko ring na-absorb kina Tito Vic na techniques and 'yung mga timing ganiyan," saad ni Isabelle na napapanood ngayon bilang kontrabidang may pagka-komedyanteng si Taylor sa afternoon series na "My Guitar Princess"
Pag-amin ng dalaga, nang nawala siya sa limelight noon, dumaan din siya sa awkward stage, naging chubby at nakaranas pa ng pambu-bully.
"I used it as my inspiration instead of ano losing hope. Naisip ko na ita-transform ko 'yung negative energy na 'yun sa pagwo-workout," kuwento niya.
Ipinakikita ni Isabelle sa kaniyang Instagram post ang kaniyang fitness journey, kasama ang agaw-pansin niyang pagbe-belly dancing para mapanatili ang seksing pangangatawan.
Nais umano ng aktres na maka-inspire ng tulad niyang millennial na may weight insecurity.
"Ang pinakamahalaga naman eh masaya ka sa kung ano 'yung kaya ng katawan mo, 'yun ang what makes you truly beautiful and genuinely happy," sabi pa niya.
Maliban sa pag-arte, passion din ni Isabelle ang music at isa rin siyang songwriter.
Sumulat nga raw siya ng kanta para sa kaniyang adbokasiya para sa pangangalaga ng Philippine eagle. --FRJ, GMA News
