Mga dalaga na ang mga kinagiliwang "Starstruck" kids noon na sina Sam Bumatay at Shamel Leask.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, napag-alaman na ang dating makulit na si Sam, incoming college senior na sa kursong Computer Science.
Iniwan niya ang showbiz at tumutok sa pag-aaral matapos niyang gawin ang "Mulawin."
"Para po kasi sa akin education is important. Hindi ko naman po kino-close ang doors ko sa showbiz but for now I want to focus on my studies first," saad ni Sam, na gumanap din bilang si Lawiswis sa "Mulawin" kung saan kasama niya rin ang "Starstruck Kids" Avenger na si Miguel Tan Felix.
Samantala, ang "kikay kid" naman ng grupo noon na si Shamel na gumanap na batang Aviona sa "Mulawin," nagtungo sa Amerika at doon nanirahan.
"Nag-aaral ako Washington State University. Kinuha ko dalawang major, advertising and fashion merchandising po," sabi ni Shamel na 22-anyos na ngayon.
Kapwa masaya sina Shamel at Sam nang nagkaroon ng instant reunion kamakailan ang "Starstruck Kids" at muli silang nakasama-sama.
Para kay Shamel, there's no place like home sa pagbabalik niya sa bansa.
"Mas masaya talaga dito sa Philippines kasi nandito yung mga family ko at saka mga kaibigan ko," saad niya.
Sabi naman ni Sam, malaki raw ang kontribusyon ng iniwan niyang career sa showbiz sa kaniyang pagkatao.
At kahit matagal na panahon na nawala na siya sa showbiz, natutuwa siya na may mga nakakakilala pa rin sa kaniya.-- FRJ, GMA News
