Ibinahagi ng Kapuso star na si Thea Tolentino sa programang "Tunay Na Buhay" ang ginawang operasyon sa kaniyang dibdib nitong Mayo para alisin ang mga cyst o bukol. Ayon sa aktres, hiniling niya sa kaniyang doktor na huwag siyang patulugin kapag ginawa ang operasyon.
Ayon kay Thea, nagkaroon na siya ng mga bukol sa dibdib noong 2010 na una niyang ipinatanggol. Hindi raw niya inaasahan na magkakaroon muli siya nito.
Buong tapang naman niyang hinarap ang kaniyang sitwasyon at hiniling sa doktor na huwag siyang patulugin para mapanood ang operasyon sa kaniyang dibdib.
Aniya, limang "solid" at isang liquid cyst ang inalis sa kaniyang dibdib.
Paniwala ni Thea, namana niya ang pagkakaroon ng cysts sa side ng kaniyang ama.
"Nag-chill lang ako, kinakalma ko lang 'yung sarili ko. Actually nu'ng operation nga po, 'yung nanay ko 'yung kinakabahan. Nu'ng May 23, gising ako, hindi ko po alam kung gaano katagal 'yung operation nu'n, ayoko ma-bored. Sabi ko sa doctor, 'Puwede ko po bang panoorin?' Pinanood ko siya," sabi ni Thea.
Nagpasalamat si Thea na hindi cancerous ang mga bukol na inalis sa kaniyang katawan, at ngayo'y nagpapagaling siya kaya pahinga muna siyang trabaho.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
