Aminado ang Kapuso actor na si Zoren Legaspi na may pagka-estrikto siyang ama sa kambal na anak nila ni Carmina Villaroel na sina Mavy at Cassy lalo na kung walang ginagawa sa bahay.
Sa pagbisita nilang mag-aama sa programang "Sarap Diva" ni Regine Velasquez Alcasid, ikinuwento ni Zoren na dating naglalaro ng tennis para sa national team si Mavy noong bata pa ito at siya ang nagsisilbing coach.
Pero nang sumabak sa isang kompetisyon si Mavy sa Malaysia, doon daw napagtanto ni Zoren na hindi para sa kanila ang tennis dahil nagkakalayo silang pamilya.
Nagiging mas madalas daw kasi niyang kasama si Mavy at naiiwan naman at hindi na niya naaalagaan si Cassy.
"Nagi-guilty na rin ako hindi ko 'to [Cassy] naalagaan. Kasi laging nandito ako [kay Mavy]," saad ng aktor.
Samantala, ipaliwanag din ni Zoren na ayaw niyang nakikita ang mga anak na walang ginagawa sa bahay.
"Sa dami ng technology ngayon marami kang puwedeng matutunan ngayon. Medyo strict ako pero sa age nila ngayong teenager, nalilito talaga ako kung paano sila iti- treat," pag-amin niya.
Dahil kapwa maraming kaibigan ang mga anak, sinabi ni Zoren na kung minsan ay nahihirapan sila ng asawang si Carmina kung papaano magsasabi ng "no" sa mga anak.
Ayon pa sa aktor, kapwa sila nasasaktan na mag-asawa kapag nalulungkot ang mga anak kapag hindi nila napagbigyan ang gusto ng mga ito.
Panoorin ang naturang panayam sa mag-aama sa video na ito ng "Sarap Diva."
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
--FRJ, GMA News
