Mas inspired daw sa trabaho si "Kambal, Karibal" star Bianca Umali dahil sa nakukuhang suporta sa mga manonood at bagong kasama sa serye na si Sunshine Dizon.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing naging top trending topic sa Twitter ang hashtag "kkpagsagip" dahil sa intense na eksena ng serye na damang-dama rin ng mga manonood.
Pinaghandaan daw ng cast ang naturang eksenang lalo na si Bianca. Lalo pang tumindi ang mga eksena sa pagdagdag sa karakter ni Sunshine Dizon na si Maricar.
Ayon kay Bianca, lalo itong naka-inspire sa kaniya para pagbutihin ang kaniyang pag-arte.
"When we were shooting it lahat po kami with Ms. Sunshine, Ms. Carmina [Villaroel], lahat po kami talagang focused. And we all felt the intensity of the sequence and we were all excited about it kasi nga po isa po siya sa mga major scenes sa buong series ng Kambal, Karibal," kuwento niya.
Sa serye, gumaganap na mapagmahal na kapatid ni Bianca, na hindi nalalayo sa totoong buhay dahil isa siyang Youth Ambassador for Child Protection ng World Vision.
Gusto raw ni Bianca na gamitin ang kaniyang boses para sa mga kabataan na biktima ng pang-aabuso.
Likas na rin daw kay Bianca ang tumayong ate lalo't ganito raw siya pinalaki ng kaniyang lola.
"Kinalakihan ko po na ako 'yung ate sa bahay siyempre tinutulungan ko sila, sinusuportahan ko sila and of course isa po ako sa nagpo-protect sa kanila," saad niya.-- FRJ, GMA News
