Excited si Kapuso actor Zoren Legaspi dahil kabilang siya sa bagong GMA drama series "Kapag Nahati ang Puso," ngunit hindi niya inaasahang mapapasabak agad siya sa isang matinding eksena kung saan kailangan niyang mag-topless.
"Actually I was very excited to work and to see Ms. Bing and Ms. Sunshine kasi first time ko silang makasama. But upon reading the script, 'yung pilot episode, nagulat ako na may mga topless palang gagawin sa character ko. Kaya medyo kinabahan ako lalo na doon sa wrestling match eh, na makikita ni Ms. Sunshine," sabi ni Zoren sa press conference ng programa sa GMA Network nitong Biyernes.
Kuwento pa ni Zoren, hindi niya rin inaasahang sa putikan gagawin ang wrestling match na kabibilangan niya.
"Actually 'yun talaga ang mga pinaghandaan ko kasi topless 'yon. Pero hindi nila sinabi sa akin kung kailang kukunan. Dumating ako sa set, ready na pala 'yung set-up. Nagulat ako, sabi ko 'Ayan 'yung mud scene na gagawin ko! 'Yung actual na isusuot kong shorts, masyadong too short, kaya nag-iba na lang kami ng short do'n."
Gagampanan ni Zoren ang karakter ni Nico Del Valle, isang mayaman na turistang Manilenyo na iibig sa karakter ni Sunshine Cruz na si Rio Matias.
Magkakaroon sila ng anak, si Claire (Bea Binene), ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, magkakawalay ang mag-ina.
Aminado si Zoren na mahirap para sa artista na alagaan ang katawan.
"Pagdating sa physical, sa artista mahirap talaga i-maintain because of 'yung working hours niya. Ako kasi ang experience ko diyan... Nu'ng mataba na ako, tsaka tumatawag ang GMA for a new role. So sabi ko 'Paano ba name-maintain ito?' 'Yon ang pinag-aralan ko."
Inilahad niya ang kaniyang sikreto.
"We should talk about that kung paano i-maintain ng one year 'yung katawan, it's all about diet, actually, so 'yun ang pinaghandaan ko kung paano kumain ng tama para ma-maintain 'yung katawan."
Mapapanood ang Kapag Nahati ang Puso simula Hulyo 16, bago mag-Eat Bulaga. — DVM, GMA News
