Nagsimula na ang tapatan ng dalawang batikang aktres na sina Sunshine Cruz at Bing Loyzaga, at inaasahan na lalo pa nitong patitindihin ang mga tagpo sa pinakabagong serye ng GMA na "Kapag Nahati Ang Puso."

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing naging kapanapanabik agad ang mga eksena sa mismong pilot episode ng show.

"Maraming nangyari kay Miranda na hindi maganda. Pero kahit ano pa ang nangyari sa kaniya, mahal na mahal niya ang asawa niya. Nagkaroon ng mahal ang asawa niya sa iba, uminit ang ulo ni Miranda," sabi ni Bing.

"Very strong, very sophisticated and very elegant. 'Yun ang role ko dito," ayon naman kay Sunshine.

Fashion designers ang roles ng dalawang aktres, at iibig sila sa iisang lalaki.

Pero sa tunay na buhay ang pag-uusapan, pareho silang mga mapagmahal na ina sa kani-kanilang naggagandahang mga anak.

"'Yung closeness ko sa mga anak ko sa totoong buhay, tina-try kong i-apply dito sa show. As much as possible I try to talk to Bea, make conversation, learn more about her so that she will feel more comfortable with me. Para kapag gumanap kami ng mga eksena, hindi siya nahihiya," kuwento ni Bing.

"Nakakatuwa itong mga batang ito, marerespeto and at the same time magagaling sila. They're always prepared," sabi ni Sunshine.

At dahil career kung ituring nina Bing at Sunshine ang kanilang pagiging ina, inamin nilang dalawaang kanilang favorite mommy moments.

"Everytime I don't have work, I just stay home with them or we eat out, or we watch a movie, either sa bahay or sa sinehan," ani Sunshine.

Ayon pa kay Sunshine, mga "mommy's girl" pa rin ang mga anak niyang sina Angelina, Samantha at Chesca kahit mga dalaga na.

"Alternate sila kung sino 'yung sa kama katabi ko kasi hindi naman sila kakasya eh. Apat kami bale. So meron 'yung dalawa maglalatag sa kutson and alternate sila, merong schedule sila kung sino 'yung katabi kong matutulog."

Masaya naman si Bing kapag nakikita niyang nagtatagumpay ang kaniyang mga anak.

"We are very proud of our children with their accomplishment. Kahit ano pang endeavor ang ipasok nila we will definitely support them," sabi ni Bing.

Fashion designer ang panganay niyang si Chi, samantalang nagtapos si Gab sa isang makeup academy sa Australia.

"I don't want to limit them to anything, I want to reach them for their stars and I know that they are doing it and they are not far from it," sabi ni Bing.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News