Ngayon Lunes ang ikatlong anibersaryo nang pagkikita via split screen sa telebisyon na nauwi sa pagkakabuo ng tambalang AlDub [Alden at Yaya Dub] nina Alden Richards at  Maine Mendoza.  Ang naturang love team, lumikha ng mga kasaysayan sa Philippine showbiz.

Kabilang sa kasaysayang ginawa ng AlDub ang mga record breaking ratings para sa longest running noon time show na "Eat Bulaga," dahil tinutukan ng mga manonood ang kuwento ng pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub sa kauna-unahang "kalyerserye" sa telebisyon.

Nagsimula ang lahat noong July 16, 2015 nang ma-conscious si Maine nang makita niya si Alden na nakatingin sa kaniya [via split screen].

WATCH: Yaya Dub, na-conscious sa poging si Alden Richards

Maliban sa love story nina Alden at Yaya Dub, naging interesado rin ang manonood sa pagkikita nang personal ng dalawa sa live airing ng "Eat Bulaga" with no commercial break, na kauna-unahan din sa telebisyon.

Bukod dito, napuno rin ng mga manonood ang Philippine Arena na pinagdausan ng pagtatanghal ng naturang live airing ng Eat Bulaga kung saan naganap ang kauna-unahang pagkikita nina Alden at Maine nang personal.

Winasak din ng AlDub ang mga record sa dami ng tweets.

Inabangan din ng mga manonood na madinig ang tunay na boses ni Maine, na unang nakilala sa kaniyang pagiging "Dubmash Queen."

Kasunod na nito ang pagkilala sa AlDub bilang phenomenal love team na nagbigay sa kanila ng maraming product endorsement, na nasundan ng TV series at mga pelikula.

Nitong Lunes, nag-post ng pagbati at pasasalamat si Alden sa mga patuloy na sumusuporta sa kanila ni Maine.

 

May hiwalay na post din si Joey de Leon sa pagbati sa anibersaryo ng AlDub.

 

-- FRJ, GMA News