Mula sa pagiging kontrabida sa "'The Stepdaughters," makikigulo naman sa masayang "Inday Will Always Love You" ang Kapuso actress na si Katrina Halili.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing makikilala ni Katrina ang pamilya ni Happy Lou [Barbie Forteza] dahil doon kunwaring magte-taping ng "The Stepdaughters.
"Nanonood sila dito sa barangay ng 'The Stepdaughters,' 'yun 'yung scene ko dito. Nakakatuwa, masaya, masaya sila dito," saad ni Katrina.
May eksena sa 'IWALY' na tinuturuan ni Katrina si lola Loleng [Nova Villa] ng kaniyang gagawin sa sasalihang beauty contest.
"Pinasayaw nila tapos nagbigay ng tip, kasi parang may pageant na sasalihan si lola, si Tita Nova. Tapos pinag-flip-top pa," masaya niyang kuwento.
Pagkatapos ng taping ni Katrina sa "IWALY," dumiretso na sila sa taping para naman sa "The Stepdaughters."
Ayon sa aktres, ganado sila sa taping ng kanilang afternoon prime show dahil sa suportang nakukuha nila sa mga manonood.
"Sobrang happy po kami na hanggang ngayon mataas po 'yung ratings namin. Marami pa rin pong tumatangkilik sa 'The Stepdaughters," ayon kay Katrina.
Dagdag ng aktres, lalo pang titindi ang labanan ng karakter niyang si Isabel at ng karakter ni Megan Young na si Mayumi.-- FRJ, GMA News
