Binati nina Vic Sotto at Maine Mendoza si Pambansang Bae Alden Richards sa bago nitong primetime series na "Victor Magtanggol" na mapapanood simula ngayong Lunes ng gabi.

Ipinaabot nina Vic at Maine ang pagbati kay Alden sa presscon ng pinagbibidahan nilang pelikula na "Jack Em Popoy: The Puliscredibles,"na pang-Metro Manila Film Festival.

"Congratulations, Alden. Ayan na, alam ko dream role niya po kasi 'yung ganyan, maging hero. So congratulations dito and mas pagbutihan mo pa kasi alam ko magiging successful 'yung show mo," saad ni Maine sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Lunes.

"Deserve niya 'yung role, kasi alam namin kung gaano kahirap 'yung mga shooting nila," sabi naman ni Vic.

Nang tanungin si Maine kung papayag siyang mag-guest sa "Victor Magtanggol," sabi ng Kapuso at Eat Bulaga dabarkads, "Puwede naman po kasi si Alden naman po 'yon. Ok lang naman po 'yun sa akin kung hihilingin niya, kung gugustuhin po niya."

Samantala, ikinuwento nina Vic at Maine na pulis ang kanilang magiging role sa kanilang MMFF movie.

"Mga pulis-credibles kami and kadalasan, 'di ba 'yung mga nababalitaan natin, hindi maganda tungkol sa kapulisan. Pero this time, gusto namin silang saluduhan at ipakita sa mga tao na ito'y kakampi natin 'tong mga pulis," sabi ni Vic. -- FRJ, GMA News