Hindi pa man umiere sa telebisyon, naging top trending topic na sa Twitter ang simula ng "Victor Magtanggol" na pinagbibidahan ni Alden Richards. Si Maine Mendoza, kabilang sa nagpahayag ng suporta sa kaniyang ka-love team.

"Congratulations sa dream project, @aldenrichards02! You will always have my support. Best of luck and stay happy!," saad ni Maine sa kaniyang tweet na may hashtag na  #VictorMagtanggolAngSimula.

Pero bago nito, sinabi ni Maine sa panayam na handa siyang mag-guest sa "Victor Magtaggol" basta hiniling ni Alden.

Sa panayam sa "24 Oras," bago umere ang bagong Kapuso action series, sinabi naman ni Alden na bukas na bukas ang "Victor Magtanggol" para kay Maine.

"Very thankful ako kay Maine for the all out support na ipinaramdam niya sa akin all throughout this journey. Ang masasabi ko lang talaga sa kaniya nandito rin lang ako for her kung anuman ang gagawin niya in the future, solo o kami together," ayon kay Alden.

Sabi pa Alden, maliban sa mga action scenes at special effects, higit umanong dapat tutukan ng mga manonood ang magandang istorya ng "Victor Magtanggol" na kabilang sa tinatalakay ay ang pagmamahal sa pamilya.

Sa pilot episode ng serye, binigyan din ng pagkilala ang kadakilaan ng mga OFW dahil kasama sa istorya ang pagtatrabaho niya sa ibang bansa para hanapin ang kaniyang ina na OFW din.

Ang mga netizen, labis din na humanga sa unang pasabog ng "Victor Magtanggol" kahit hindi pa man lumalabas ang pagiging superhero ni Alden.

 

 

-- FRJ, GMA News