Iprinisenta ng pulisya sa media nitong Biyernes ang dating child star na si CJ Ramos na kabilang sa mga naaresto sa isinagawang buy-bust operation kamakailan sa Quezon City.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing naaresto si CJ noong July 31 habang isinasagawa ang buy-bust operation sa isang Louvella Gilen, na kasama sa mga naaresto.
Nagkataon na nandoon din sa lugar para kumuha umano ng droga si CJ kaya kasama siyang naaresto.
Nakuhanan siya ng isang plastic sachet na may laman na pinaniniwalaang shabu.
Ayon pa sa ulat, wala sa drug watchlist ng pulisya ang dating child actor na kabilang sa mga ginawang pelikula noon ay ang "Tanging Yaman."
Inamin naman ng aktor na dati siyang gumagamit ng droga pero isang taon na raw siyang tumigil. Natukso lang daw siya na muling magbisyo nang araw na natiyempuhan siya sa buy-bust operation.
Napaiyak umano si CJ sa sobrang pagsisisi, at humingi ng paumanhin sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.
Mensahe umano ni CJ sa mga artista na gumagamit ng droga, tumigil na habang mayroon pang pagkakataon.
Sinabi naman ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar, may iba pang mga artista na nasa kanilang drug watchlist pero tumanggi siyang pangalanan kung sino ang mga ito.
Nangangalap pa raw sila ng ebidensiya laban sa mga artistang sangkot sa droga.-- FRJ, GMA News
